EVERYTHING I HAVE 14

C H A P T E R 14 - EVERYTHING I HAVE ----- By: Joemar Ancheta 








* * * * * * * * * * Hinayaan kong maramdaman ng matagal ang yakap ng isang ama. Kaytagal kong gustong maramdaman iyon. Simula ng bata pa ako at hindi ko naranasang hawakan ng isang tunay na ama. Pumikit ako. Gusto kong punan ang pagkukulang na iyon sa aking pagkatao at pagmulat ko ay nakita ko ang mukha ni nanang. May ngiti sa labi na mula pagkabata ay hindi ko iyon nakita sa kaniya. Masaganang luha din ang umaagos sa kaniyang pisngi na parang ang dating asiwa at pagod niyang mukha ay naging kalmado at tuluyang nabura ang hirap na kaniyang dinanas. Tumingin ako kay Daddy at tumingin din siya sa akin. Nang makita ko ang basa niyang mga mata at ang pamumula nito ay alam kong pinipigilan lamang niya ang pagbagsak ng kaniyang luha hanggang nakita ko ang mahina niyang pagtawa. “Kaytagal kong pinangarap na mabuo ko ang pamilya ko. Ito ang pangarap ko na dati ay akala ko tuluyan ko ng hindi pa makakamit. Oo nga’t nasa akin na lahat ng yaman at luho sa mundo ngunit laging may kulang. Laging may iniisip akong akala ko hindi ko na kayang abutin at dahil kay Gerald muling nabuo ang pamilya ko.” “Dad, alam nab a ni Geral na magkapatid kami?” “Gusto kong ilahad sa iyo ang buong kuwento anak.” Sinuklay-suklay niya ang buhok ko na para parin akong bata sa kaniyang paningin. “Sige po, makikinig ako.” bumitaw ako sa kaniya. Hinila ang isang upuan at umupo ako doon. Umupo din siya sa tapat naming mag-ina. Nanatiling lumuluha si Ate Champagne dahil sa kaniyang mga naririnig at nakikita. Sobra siyang nadala sa mabilis na pagkabuklat ng kuwento ng aking buhay. “Ang ipinakita ni lola mo kay nanang mo noon na kasama ko sa litrato ay ang mommy ni Gerald. Matalik ko siyang kaibigan mula pagkabata ko dahil kaibigan ng pamilya namin ang pamilya niya. Kung may taong nakakaalam sa buong kuwento namin ng nanang mo, walang iba kundi ang mommy ni Gerald. Nagkaklase kami sa Elementary, High School hanggang College at nakasama ko siya sa ibang bansa para sa aming international practicum. Nagpadala ako ng mga pictures namin sa lola mo na hindi ko naisip na gagamitin niya iyon bilang panira sa binitiwan kong pangako kay nanang mo. Naniwala ang nanang mo sa kasinungalingan noon ng mommy ko.” Huminto siya. Napailing saka niya itinuloy. “Sumalangit sana ang kaluluwa ni mommy. Hayun nga, nang binalikan ko ang nanang mo sa apartment ay wala na siya doon at nang sinundan ko siya sa purok nila ay hindi ko na siya naabutan dahil ayon sa mga magulang niya, sumamang nakipagtanan sa iba. Hindi parin ako naniwala noon. Alam kong mahal ako ng nanang mo at hindi niya magagawang sumama sa ibang lalaki. Dahil walang nakakaalam kung saan sila nagpunta ay sinikap kong hintayin ang pagbabalik niya. Lagi kong ipinapanalangin ang kaniyang pag-uwi. Naghintay ako ng dalawang buwan doon na kahit anong galit ng mommy ko ay wala akong pakialam basta ang lagi kong iniisip ay sana man lamang ay maipaliwanag ko sa nanang mo kung ano ang totoo. Ngunit nabigo ako hanggang naisip kong maaring masaya na siya sa piling ng kaniyang sinamahan at dala ng pagkabigo, bumalik ako ng Manila. Halos isang taong wala akong ginawa kundi maglasing, mambabae, magwaldas ng pera, bumiyahe sa ibang bansa para makalimutan ko lang ang nanang mo. Hanggang kinausap ako ng mommy ni Gerald at binuksan niya ang mga mata ko. Hindi niya ako iniwan. Kahit mahirap ay ipinaramdam niya sa akin na hindi natatapos ang buhay sa pagkabigo sa pag-ibig. Kung buhay man ang pag-ibig kailangan hindi ka mamatay sa pag-ibig. Dapat marunong kang mabuhay ng dahil sa pag-ibig.” “Naging kayo ng Mommy ni Gerald Dad? Ibig sabihin ay magkapatid kami ng ama ni Gerald?” tanong ko. Ngunit sa sulok ng aking isip ay nagdadasal akong sana hindi kami magkapatid. Sana ay hindi matuldukan ang pag-iibigan namin dahil hanggang sa sandaling iyon ay siya parin ang laman ng aking puso. “Hanggang pagkaraan ng isang taon ay naging maganda muli ang takbo ng buhay ko. Pinagsikapan iyon ng mommy ni Gerald. May boyfriend noon ang mommy ni Gerald ngunit napabayaan niya at nagkulang siya sa oras doon sa boyfriend niya ng dahil sa akin. May nangyari sa kanila noon ng boyfriend niya hanggang dahil sa kaseselos ng boyfriend niya sa akin at dahil hindi naman ako kayang iwan ng mommy ni Gerald na wala pang pumapalit kay nanang mo sa puso ko ay naging madalas ang kanilang pag-aaway. Hanggang isang araw ay hindi na nagpakita ang boyfriend niya at nalaman na lamang niyang ikinasal na siya sa ibang babae. Ilang lingo din lang mula noon ay nalaman niyang buntis siya ngunit paano pa niya ipapanagot iyon sa boyfriend niyang may asawa ng iba.” “Ang ibig niyong sabihin Dad, anak ng ibang lalaki si Gerald? Hindi ko kapatid si Gerald?” napatayo ako sa kinauupuan ko. Naglulundag ako at parang sa sandaling iyon ay bigla akong nakahinga ng maluwag, tuluyang naglaho ang lungkot sa puso ko at lahat ng mga aalahanin ng isip ko ay biglang nawala. Napayakap ako kay ate Champagne. Paulit ulit kong sinabi na habang lumuluha ako na hindi ko kapatid si Gerald.. Nanginginig ang labi ko at gusto kong isigaw sa buong mundo na hindi ko kapatid ang taong sobra kong minahal. Ilang minuto din akong napapalundag hanggang napaluhod ako sa katatawa na may kasamang luha. Mga luhang hinayaan kong umagos sa aking mga mata. Luhang dala ng hindi ko makayanang supilin na ligaya. “Makikinig ka pa ba sa buong kuwento anak?” tanong ni Dad na noon ay napapaluha na rin sa nakikita niyang ligaya sa akin. Si nanang din ay napatawa sa nakita niyang kakaiba kong reaksiyon.. Tahimik akong umupo ngunit pangiti-ngiti. Ngunit sadyang hindi ko talaga mapigilan ang tumawa ng tumawa ng tumawa hanggang lahat sila ay nakitawa na din. “Sige po. Okey na ako Dad, ituloy niyo na.” “Dahil sa natatakot ang mommy ni Gerald sa istrikto niyang pamilya at dahil alam kong hindi na ako babalikan pa ng nanang mo, pinakasalan ko ang mommy niya para kapag maisilang si Gerald ay may masasabi siyang daddy. Hindi mahirap mahalin ang katulad ng Mommy ni Gerald. Natupad ang gusto ng aming mga pamilya. Naging mabuting maybahay ang nanay ni Gerald at walang ibang nakakaalam sa buong pagkatao ni Gerald kundi ako lamang at ang mommy niya. Hindi namin iyon sinabi kay Gerald dahil gusto kong mahalin niya ako bilang tunay na ama at iyon din kasi ang tanging paraan ko para lahat ng mga pagkukulang ko sa iyo ay Gerald ko maibigay. Basta ang alam ko may anak ako sa nanang mo. Gusto kong gumawa ng mabuti sa anak ng iba, ipadama ang tunay na pagiging ama para makinig din ang Diyos sa panalangin ko na sana kung sinuman ang umako sa iyo ay ituring ka din bilang isang tunay na anak niya. Gusto kong sa pamamagitan ng lubos na pagmamahal ko sa mommy ni Gerald at kay Gerald ay ganoon din ang gagawin ng kung sinuman ang pumalit sa akin sa puso ng nanang mo. Ngunit nalaman kong hindi pala ganoon ang nangyari. Sobrang napahirapan ka ng husto ngunit gusto kong lahat ng iyon ay mabubura na ngayong magkakasama na tayong lahat anak.” “Nasaan na ngayon ang Mommy ni Gerald?” paninigurado ko lamang kahit naikuwento na sa akin ng yaya ni Gerald ang tungkol sa nangyari sa mommy niya. “Namatay sa sakit na kanser. Ngunit bago siya namatay ay hiniling niya sa akin na tanggapin ko si Gerald kahit sino pa siya at irespeto ang lahat ng gusto niya dahil nais niyang maging masaya ang anak niya. Gusto niyang mabuo ang buhay ng anak niya na naayon sa gusto nitong mangyari. Basta wala siyang sinasaktan ay hayaan ko daw na magiging masaya siya. Sinikap ko namang mabago ang pagkatao niya ngunit sadyang lalaki ang gusto. Dahil sa pagkatao niyang ganun ay napilitan akong magbasa ng mga libro, mag- internet tungkol sa ganoong pagkatao para lalo ko pa siyang maintindihan. Hanggang naliwanagan ako at hinayaan siyang magiging masaya sa pinili niyang buhay. Nang dumating ka sa buhay niya ay nakita ko ang pagpupursigi sa kaniyang mag-aral. Naging masaya ang bawat araw niya hanggang hiniling ko sa kaniyang mag-usap tayong dalawa.” “Tulad ko, hindi din ba alam ni Gerald ang lahat ng kuwentong ito?” “Wala siyang alam anak. Nalaman na lamang niya ang buong kuwento nang inuwi siya sa bahay ni Joey na hinang- hina. Kinabukasan no’n ay nag-usap kami. Hindi naging malaking isyu sa kaniya ang katotohanang hindi ko siya anak dahil ayon sa kaniya, higit pa sa tunay na anak ang naramdaman niya mula sa akin at kahit pa nalaman niyang hindi ko siya tunay na anak ay hindi nagbago ang pagtingin at pagmamahal niya sa akin. Ang tanging hindi niya natanggap ay ang bigla mong pagtalikod sa kaniya. Lahat ng paraan ginawa namin para mapaliwanagan ka ngunit sadyang nagiging mailap ka. Ipinagkait mo sa kaniya ang pagkakataong magpaliwanag. Hindi mo siya binigyan ng pagkakataong marinig ang kaniyang hinaing. Hanggang sa siya na mismo ang nag-ayos sa kaso ng nanang mo para makalayo. Iyon ang tangi niyang inatupag dahil alam niyang kapag makalaya ang nanang mo at muli kaming magkasama ay iyon ang magiging susi para makinig ka sa akin. Sabi niya sa akin na hayaan kong gawin niya iyon para sa akin, sa nanang mo at higit sa lahat ay sa iyo. May mga gabing nakikita ko siyang umiiyak. Napakalakas ng kaniyang iyak. Ilang gabi ding isinisigaw ang pangalan mo. Nasaktan siya ng sobra sa pagkawala mo lalo pa’t hindi niya masabi sa iyo ang kaniyang niloloob. Iyon bang lahat ng gusto sana niyang sabihin ay hindi niya masabi sa iyo at naiipon lang sa dibdib niya. Wala siyang ganang kumain ngunit sa pakiusap ko ay pinipilit niyang gawin. Ako ang nagbibigay ng pag-asa sa kaniya para mabuo ang kaniyang buhay at lagi kong sinasabing magkakasama din kayong dalawa. Ang laging sagot niya ay… “Sana nga po Dad. Lahat, lahat ng meron ako kaya kong ibigay sa kaniya. Lahat ng meron ako ay hindi ako magdadalawang isip na ihandog sa kaniya dahil alam kong siya ang aking buhay. Ito na lang ang alam kong huling maibigay sa kaniya at ito lang ang alam kong kailangan niya sa ngayon, ang mabuo ang pamilya niya. Yung muli kayong magkakasama, kayo, si nanang at siya. Masaya na ako kapag mangyari iyon kahit hindi na niya ako babalikan pa.” Napaluha ako. parang bumabalik sa akin ang kaniyang pagmamakawa noon sa pinto na mag-usap kami. Ang paghahagulgol niyang paghingi sa akin ng awa na sana hawak-kamay naming lutasin kung anuman ang problema. Umiiyak ako dahil sa mga ginawa ko. Hindi niya dapat pinagdaanan ang ganoong sakit. Hindi siya dapat nasaktan ng ganoon. Naramdaman ko ang hirap na pinagdadaanan niya dahil ako man din ay ganoon ang sakit na piunagdaanan. Ang pagkakaiba nga lamang ay alam niyang hindi kami magkapatid pagkatapos ng gabing nagmakaawa sa akin at ako, ang tanging pumipigil sa akin na kausapin siya ay dahil gusto kong makalimutan ang pagmamahal ko sa kaniya dahil ang pagkakaalam ko ay kapatid ko siya. “Nasaan po siya ngayon Dad?” tanong ko. “Nasa bahay. Matagal ka niyang hinihintay. Gusto kong mula ngayon sa bahay na kayo titira. Iyon ang gusto ni Gerald. Iyon ang hiling niya. Anak, mahal mo pa ba siya?” “Opo Dad. Mahal na mahal ko siya. Pinigilan ko lang dahil ang alam ko kadugo ko siya. Gusto ko naman sanang magkita kami kung kailan handa na sana akong humarap sa kaniya bilang kapatid at hindi bilang karelasyon ngunit dumaan na ang ilang buwan Dad pero siya parin ang mahal ko at hindi nagbago iyon kahit sinikap kong isipin na magkapatid kami. Mabuti na lamang po at hindi ngunit nasaktan ko na siya. Napahirapan ko na siya ng hindi ko naman sinasadya.” “Masakit sana na isiping nagkaroon ako ng dalawang lalaking anak na hindi nasunod ang damdamin sa ibinigay ng Diyos nilang pagkatao ngunit kahit baliktarin pa ang lahat at kahit ano pa ang gagawin ko ay hindi ko matatalikurang anak ko kayo. Mainam ng magkaroon ako ng anak na katulad niyo ngunit matalino, hindi masamang tao at naipagmamalaki kaysa magkaroon ng anak na straight ngunit magiging sakit lang ng ulo at kaaway ng lipunan.” “Kumusta na po si Gerald ngayon?” Napabuntong hininga si Daddy. Tumingin siya sa akin at biglang tumulo ang luha. Alam kong may hindi siya sinasabi. “Ayusin mo na ang mga gamit mo anak. Uuwi na tayo sa bahay. Naghihintay sa atin si Gerald. Matagal na niyang hinihintay ang pagkakatong ito. Matagal na niyang inaasam na magkakasama tayong lahat.” “Bakit hindi niyo sinasagot ang tanong ko? Kumusta na po si Gerald?” Yumuko siya at humagulgol. Kung napigilan niya ang pagluha kanina, ngayon ay hindi na niya nakayanan pa at natakot ako. Alam kong may hindi magandang nangyari.
Share on Google Plus

About hppz

    Blogger Comment
    Facebook Comment

0 comments:

Post a Comment