CHAPTER 9 ----- EVERYTHING I HAVE -----
By: Joemar Ancheta
* * * * * * * * * *
Kung nasanay tayong binigyan
ng sapat na oras ay ninanais nating mas
higit pang panahon ang ibibigay sa atin.
Kung hindi man higit pa doon sa dati,
gusto natin na sana walang magbago.
Kung nakaramdam tayo ng pagmamahal,
gusto nating manatili ang init ng
pagmamahal na iyon sa bawat sandal
hanggang sa tayo ay nabubuhay.
Kadalasan ay naghahanap pa tayo ng
higit pa sa dati niyang ipinaparamdam.
Tama ngang walang tayong
kakuntentuhan. Hindi tayo marunong
makuntento sa kung ano ang meron
tayo at kayang ibigay ng ibang tao lalo
pa sa taong pinag uukulan natin ng
pagmamahal.
Nagiging palagian na ang
paglabas ni Gerald sa ibang bansa. Ang
dati’y palagiang pagtawag niya kung nasa
labas siya ng bansa ay naging tawag na
lamang kapag matutulog na siya
hanggang pati good night niya minsan ay
nawala na din. May karapatan akong
magtampo ngunit hindi ko ginawa. May
mga pagkakataong gusto ko siyang
tanungin ngunit mas pinili ko munang
manahimik. Ngunit minsan, kahit gano
mo kagustong magsawalang-kibo na
lamang ay lalabas at lalabas ang tunay
mong niloloob.
Kapag umuuwi siya ay may
mga dala-dala parin naman siyang
pasalubong sa akin ngunit napansin kong
pinipilit niya na lang maging masaya
kapag kasama niya ako at may mga
pagkakataong bigla na lamang siyang
aalis na parang nagmamadali.
“Nagiging madalas yata ang
pagpunta mo ngayon sa Houston, Texas.
Huwag mong sabihin na may negosyo pa
kayo do’n.”
“Pasensiya ka na. May mga
pinapaasikaso kasi si Dad do’n at sana
huwag na natin pag-usapan pa ang
tungkol dito.”
“Nagtataka lang ako kasi in
almost two months ay tatlong beses ka
ng pabalik-balik do’n. Iba na talaga
kapag mayaman. Baka naman may ibang
dahilan kaya ka do’n pumupunta. Pati
studies mo tuluyan mo ng
napababayaan.”
“Bhie naman, di ba sabi ko,
huwag na natin pag-usapan pa ang
tungkol dito?” Hinawakan niya mga
kamay ko. Tumitig siya sa aking mga
mata. Sinalubong ko ang mga iyon.
Nakita ko doon ang pakiusap. Ang
pagsusumamong huwag ng mag-ungkat
ng mga bagay na pwedeng pagtalunan.
“Okey, fine.” Tumayo ako.
Pinigilan ko na lang ang bunganga kong
mag-usisa pa dahil alam kong kahit
anong pilit ko ay hindi rin niya ako
sasagutin. Nag-isipako ng iba pang
puwedeng pagkaabalahan para mailayo
na ang usapan tungkol sa madalas niyang
pang-iwan sa akin dito sa Pilipinas.
“Hmnnn…Sige, ipagluluto na
lamang kita.”
Hinintay ko siyang sundan niya
ako sa kusina ngunit hindi siya
sumunod. Namimiss ko na yung habang
nagluluto ako ay kinakantahan niya ako.
Mga sandaling sinanay niya ako sa
kakaiba niyang pagsinta. Inisip ko na
lamang na baka pagod lang siya.
Malapit na akong makapagluto
at inaayos ko na ang mesa para tawagin
siya nang nagmamadali siyang bumaba.
“I really have to go. May
susundo na sa akin dito.” Balisa ang
kaniyang mukha.
“Akala ko ba kakain ka dito.
Nagluto pa naman ako ng paborito mong
menudo.”
“Sige. Tikman ko na lang.”
Pagkuha niya sa tinidor nang
tumunog muli ang cellphone niya.
“I’m sorry bhie. Kailangan ko
ng umalis. I love you…”
Nilapag niya ang sana ay
isusubo na niyang niluto ko at
pagkatapos niya akong dampian ng halik
sa labi ay nagmamadali na siyang
lumabas. Sinundan ko siya at sinilip sa
may bintana. Hindi yung driver niya ang
sumundo sa kaniya. Bagong mukha. Mas
matanda lang siguro sa akin ng lima
hanggang pitong taon ngunit guwapo din
at maganda ang katawan. Bumaba iyon
at pinagbuksan siya sa likod ng kotse.
Hindi iyon mukhang driver lang niya
dahil sa pananamit at kilos, isa itong
maykaya at edukadong tao. Bumalik ako
sa kusina. Tinitigan ko ang niluto ko.
Kanina lang nakaramdam ako ng gutom
ngunit ngayon ay parang wala na akong
ganang kumain. Binalik ko na lang ang
mga plato sa lagayan. Nilagay ang ulam
sa Ref at pumasok na lang ako sa
kuwarto. Nabuo ang takot, nabawasan
ang tiwala at sunud-sunod ang aking
buntong-hininga. Kailangan kong
malaman ang totoo. Oras na malaman
kong niloloko lang niya ako ay
magtutuos kaming dalawa.
Sinubukan kong tawagan siya
sa kaniyang celphone ngunit nakapatay
na ito. Lalo akong naghinala. Hindi ko na
alam ang gagawin ko. Wala na akong
ganang gumawa ng kahit ano. Ang
tanging nasa isip ko ng panahong iyon
ay ang makausap siya. Hindi ko na kasi
gusto ang nararamdaman ko at kailangan
kong malaman kung nasaan siya at sino
ang sumundo sa kaniya. Napakabigat ng
dibdib ko sa mga sandaling iyon. Parang
sasabog ngunit hindi ko alam kung
anong emosyon ang naroon? Galit? Pag-
aalala? Selos? Takot na iwan ako’t
masaktan? Anong buhay mayroon uli ako
kung tuluyan na siya sa akin na mawala?
Paano ang pagmamahal ko sa kaniya.
Paano ako? Tuluyang binagtas ng luha
ang aking mga pisngi. Umiiyak ako. Sa
unang pagkakataon ay iniyakan ko ang
isang lalaki. Nasasaktan ako sa mga
maaring mangyari kahit pilit kong
pinauunawa na lahat ay mga kutob
lamang, Kinuha ko ang cellphone ko.
Muli ko siyang tinawahan ngunit
nanatiling nakapatay ito. Hindi ako
sumukong tawagan siya ng tawagan
ngunit hindi niya binubuksan ang
celphone at ang labas, magdamag akong
hindi nakatulog sa takot na inaagaw na si
Gerald sa akin.
Kinabukasan ay hindi ko din
siya nakita sa campus namin. Nagiging
palagian na ang pagliban niya sa
kaniyang mga klase. Tuluyan na nga
niyang napapabayaan ang kaniyang pag-
aaral. Napapabuntong-hininga ako.
Kapag nasa library ako at
nakaupo sa dating tagpuan namin ay
parang lalo akong pinapatay kapag
naaalala ko ang mga dapat sana ay
Masaya naming nakaraan. Tinatamaan
ako ng kakaibang lungkot kapag
nadadaanan ko ang tambayan naming sa
may canteen. Kahit sa gate kapag
lumalabas ako sa campus namin ay
namimiss ko ang kaniyang mga sitsit o
kalabit at sinasabayan niya akong
maglakad hanggang sa apartment na
nirerentahan niya para sa akin. Dadaan
kami ng makakain o kaya ay lalabas kami
at doon na magdidinner sa paborito
naming restaurant. Pinipigilan ko lang
ang muling maiyak. Pilit kong
pinaiintindi sa sarili ko na bakit ako iiyak
kung wala pa naman akong
pinanghahawakan na ebidesiyang may
iba nga siya.
Hanggang sa dumating ang
pang 14th monthsary namin. Alam kong
kahit minsan ay hindi niya nakakaligtaan
ang araw na iyon. Tumawag siya sa akin
nang maaga at binati niya ako ng happy
14th monthsary. Sandali nga lang ang
tawag na iyon at alam kong pupuntahan
niya ako kinagabihan. Sa akin siya
matutulog dahil nakasanayan na namin
na kapag mga ganoong araw ay
magdamag kaming magkasama.
Inagahan kong nagluto ng mga paborito
niya. Bumili na rin ako ng maiinom
naming alak, hinanda ko na ang aming
kuwarto at alam kong sa bandang alas
siyete ng gabi ay darating na siya.
Siguradong may surpresa na naman iyon
na dadalhin para sa akin.
Ngunit alas-otso na ay hindi
parin siya dumating. 8:30 nang may
kumatok sa pintuan ko na at nang
buksan ko ay isang lalaki na may dalang
box ng chocolate at may kabigatang gift.
May maliit ding note---
“I tried to come but I can’t
personally give you this gift for some
complexities. Babawi ako. Happy 14th
monthsary baby.”
Hindi ko alam kung bubuksan
ko ba ang gift niya sa akin o ibalik na
lang sa pinagbigyan niya. Ngunit sinabi
ko sa aking sarili na kailangan kong
maging matatag. Buhayin ang tiwala
dahil kung sasabayan ko siya sa mga
ganitong pagkakataon. Kung hindi ako
magpakatatag para sa aming dalawa at
aawayin baka lalong maging kumplikado
ang lahat.
Binuksan ko ang binigay niyang
gift. Isang laptop. Nilapag ko ito sa
mesa. Alam niyang iyon ang isa sa mga
gusto kong mabili. Iyon ang gusto kong
sana ay magkaroon ako balang araw
dahil kailangan ko din iyon sa aking pag-
aaral ngunit nang mahawakan ko iyon at
hindi siya ang nagbigay ay parang wala
akong ganang buksan pa iyon. Hindi ko
naman kailangan ang kung anu-anong
material na bagay kung wala din lang
ang taong mahal ko. Hindi ko na
napigilan pa ang aking mga luha nang
ibalik sa ref ang lahat ng aking inihanda.
Dinala ko na lang ang chocolates at ang
binigay niyang bagong laptop sa aking
kuwarto. Pinatay ko na ang ilaw at kahit
nasaktan ako ay pinilit kong makaidlip.
Kahit napakahirap akong dalawin ng
tulog sa sakit ng loob ay pilit kong inisip
na mahal parin niya ako. Hindi niya ako
bibigyan ng ganoong kamahal na regalo
kung hindi niya ako mahal. Hindi pa ako
ganoon katagal nakatulog nang
naramdaman kong may yumakap sa akin
ng mahigpit at basa ang leeg ko. Si
Gerald lang ang alam kong may
duplicate ng susi sa bahay at pabango
niya ang naamoy ko. Ngunit umiiyak
siya. Humahagulgol siya habang yakap
niya ako.
“I’m sorry baby. I’m so sorry
kung nagiging marami na akong
pagkukulang sa iyo. Hindi ko ginusto.
Hindi ko din sinasadya.”
Bumangon ako.binuksan ko
ang ilaw para makita siya. Nakapantulog
lang ito. Gulo ang buhok na parang
nagmadali lang makahabol. Umiiyak
siya.
“May problema ba?” tanong
ko.
Ngunit imbes na sagutin ako ay
hinila niya ako sa kama at niyakap ng
sobrang higpit.
“Hindi ko kayang magkakalayo
tayo. Hindi ko kayang iwan ka ngunit
parang iyon ang mangyayari bhie. Mahal
na mahal kita at gusto kong tandaan mo
iyon kahit ano pa ang mangyayari.”
“Hindi kita maintindihan.”
“Alam ko na mahirap mong
intindihin ang lahat. Hayaan mo na.
Ayaw kong pati ikaw ay maaapektuhan
kung anuman ang problema ko ngayon.
Halika nga dito at namimiss kitang
yakapin.” Pinunasan niya ang kaniyang
mga luha. Pinilit niyang ngumiti. Sinipat
ko ang oras sa dinding. Mag-aalastres na
pala ng madaling araw.
Humiga na rin ako sa tabi niya.
Niyakap niya ako. hinalikan ko ang labi
niya at muli kaming nakatulog na may
ngiti ako sa labi.
Mahal niya ako.
Kinaumagahan ay nagluto ako
ng almusal namin pagkatapos naming
masayang sinet-up ang regalo niyang
laptap sa akin. Masaya kaming nagsalo
noon at nang matapos kaming kumain
ay sinabi niyang siya na ang magliligpit
sa aming pinagkainan. Bumalik ako sa
kuwarto at nakita ko ang celphone niya.
Naalala ko ang lalaking sumundo sa
kaniya noon. Kung totoo ang kutob ko,
maaring hindi siya nagbura sa inbox niya
at tiwala din siyang hindi ko
pinakikialaman ang celphone niya.
Pagkakataon ko na din iyong malaman
kung sino ang lalaking iyon.
“I don’t allow you to go out
today. Stay in your room and take a
rest.”
“Tomorrow meet me around
6:30 in the same place dahil ayaw mo
naman akong puntahan kaya mas
mainam na doon na lang tayo sa dating
pinagtagpuan natin. Take Care.”
Tinignan ko ang sent items niya
pero empty iyon. pero sa call register
niya, sila ang laging nagtatawagan ng
Joey na iyon. Joey ang pangalan ng
ipinapalit sa akin. Pero kulang pa ang
nakuha kong imporamasyon. Kulang pa
para ipamukha ko sa kaniya ang
ginagawa niyang kalokohan. Kaya pala
sinabi niyang hindi siya puwedeng
makipagkita dahil pinagbawalan siya at
nagpuslit lang ito nang madaling araw na
para makita ako.
Pagdating niya sa kuwarto ay
nakangiti siyang yumapos sa akin.
“Maligo ka na baby, sama na ng
amoy mo.” Biro niya sa akin habang
hinahalikan niya ang braso ko.
“Mamaya. Bhie, labas naman
tayo mamayang 6:30?” gusto ko lang
siyang huliin.
“6:30? Bakit hindi na lang
ngayon? Kasi di ako nakauwi so
kailangan kong umuwi ng 5 mamaya
para hindi magalit si Daddy kasi di ako
nagpaalam sa kaniya kagabi. Baka
pagalitan ako kung gagabihin pa ako ng
uwi.”
Nagsisinungaling na siya sa akin.
Naisip kong sundan siya ng 6:30 kung
saan sila magkikita ng lalaking iyon.
Ngayon ko malalaman ang
lahat.
Pinasunod ko ang sasakyan niya.
Kahit magbayad ako ng magkano basta
malaman ko lang kung ano ang ginagawa
niya. Sa kaniya naman galing ang pera
na ginagastos ko dahil pinahinto niya
akong magtrabaho kaya gagamitin ko din
sa pag-iimbestiga tungkol sa
kinalolokohan niya ngayon.
Dumaan sa bahay at sa malapit sa
gate na lang ng subdivision ako
naghintay gamit ang inarkilahan kong
taxi. Kalahating oras lumabas na muli
ang sasakyan niya kasama ang driver niya
at pinasunod ko sa taxi ang kanilang
sasakyan. Huminto sa isang class na
restaurant at nang alam kong nakapasok
na siya ay sumunod na din ako pero
sumilip muna ako.
Kitang-kita ko ang pagyakap ng
lalaki at ang pagtapik naman ni Gerald sa
likod ng lalaki at umupo na sila. Mabuti
na lamang at nakatalikod si Gerald sa
pintuan kaya hindi niya nakita ang
pagpasok ko. Medyo magkakalayo kasi
ang mga mesa kaya hindi ko marinig ang
kanilang usapan. Pumuwesto ako sa
medyo tago sa kanila ngunit makikita ko
ang mga reaksiyon ng kanilang mga
mukha.
Seryoso ang kanilang pag-uusap.
Nilapit ng guwapong lalaki ang upuan
niya kay Gerald at may nilabas itong
papel. Matagal nilang tinignan ang papel
na iyon at habang nagsasalita ang lalaki
at titig na titig si Gerald sa kaniya na
parang interesado siya sa lahat ng
sinasabi ng lalaki. Hanggang nakita ko na
lamang na iniabot ng lalaki ang panyo
kay Gerald at nagyakapan silang dalawa.
Mahigpit ang yakap na iyon at dahil hindi
ko na kaya pang makita sila ganoong
tagpo ay umalis na ako.
Umiyak ako sa kuwarto ko nang
gabing iyon. Bakit naglilihim si Gerald sa
akin? Bakit kailangan niyang magtago sa
akin. Kung nagmahal naman siya ng iba
maliban sa akin ay mas mainam sanang
ipagtapat niya nang hindi ako nasasaktan
ng ganito. Tumawag siya ng gabing iyon
para magsabi ng good night ngunit hindi
ko siya magawang tanungin o sabihin
tungkol sa pakikipagkita niya kay Joey.
Ayaw kong isipin niyang minamanmanan
ko na ang bawat kilos niya. Kaya ko pa
namang tiisin ang lahat. Kaya ko pang
magtiis hanggang siya na mismo ang
magsabing hiwalay na kami. Ngunit kung
patuloy niya akong paglilihiman at
patuloy siyang makikipagkita sa lalaking
iyon ay mabuti pang sabihin ko na din sa
kaniya ang aking nalalaman.
Dumalaw siya kinabukasan.
Medyo nakaramdam ako ng panlalamig
mula sa kaniya. Parang laging hindi siya
mapakali at malalim ang iniisip. Kung
may tatawag ay pumupunta siya sa
banyo, isasara ang banyo at doon siya
makipag-usap bagay na hindi naman
niya ginagawa dati. Basta tahimik lang
siya habang biyayakap niya ako. Tahimik
lang siyang hinahalikan ako na parang
malayo ang iniisip.
“May iniisip lang ang baby mo
ha? Hayaan mong yakapin lang kita.”
Ako man din ay tahimik din lang
pero naroon ang pagpupuyos ng
damdamin. Galit ako sa ginagawa niyang
paglilihim. Maraming tawag sa kaniya at
pabalik-balik siya sa banyo. Gusto kong
makita at mabasa ang inbox niya. Parang
iyon lang kasi ang tanging paraan para
malalaman ko kung sino ang kausap niya
at katext.
Nang bumaba siya at nakitang
walang laman ang refrigerator na
pagkain ay nagpaalam siya sandali para
maggrocery lang daw. Hindi na niya ako
pinasama dahil abala ako sa
pagrereview. Nagpalit siya ng short at
nakita kong pitaka lang niya ang hinugot
niya doon. Naiwan ang celphone niya.
Pagkaalis na pagkaalis niya ay
nakita kong si Joey ang madalas niyang
kausap sa celhphone. Nabasa ko din ang
isang text na ganito ang laman.
“See me na lang sa airport bukas.
Baka aabutin tayong ng 2 weeks sa
Houston kaya better if you just drop all
your subjects, Afterall, baka matatagalan
na tayo doon sa next visit natin kaya
mas magandang malinis ang record mo
sa school.”
Si Joey pala ang lagi niyang
kasama kapag pumupunta siya ng
Houston. Siya pala ang dahilan kung
bakit hindi na siya nakakatawag kapag
nasa ibang bansa na siya. Hindi ko
napigilan ang pag-agos ng aking luha.
Nanginginig ang buo kong katawan.
Parang gusto kong magwala. Hindi ko na
mapapalampas ang lahat. Hindi ko
kayang maging martir. Magtutuos kami
ng Gerald na ito pagbalik niya. Hinanda
ko na lahat ang aking sasabihin. Hindi ko
na kayang kontrolin ang galit ko at kung
may kailangang tapusin ay tapusin na
kaysa sa tatagal ako sa ganitong
kalagayan. Kung sa kaniya ay madali lang
sirain ang pag-aaral niya ako, hindi ko
kayang gawin iyon. Higit isang taon na
lang doctor na ako. Hindi ako
makapapayag na siya ang dahilan na
hindi ko matapos ang nasimulan ko.
Ngayon niya makikita kung sino si Mario.
Kailangan kong malaman ang buong
katotohanan tungkol sa Joey na ito.
- Blogger Comment
- Facebook Comment
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
0 comments:
Post a Comment