CHAPTER 11 ----- EVERYTHING I HAVE -----
By: Joemar Ancheta
* * * * * * * * * *
Formal ang birthday party ni
Gerald. Lahat ng mga bisita nila ay
malalapit lamang na kaibigan ng daddy
niya, malalapit na kamag-anak nila at
mga matatalik na kaibigan niya mula
Elementary, High school at college. Kaya
nga kahit hindi niya gusto ay nagiging
formal parin ang dating ng birthday
party na ibinigay sa kaniya. Pinasundo
niya ako sa driver niya. Asiwa ako noon
sa suot kong white longsleeve at red tie
kaya medyo tumagal muna ako sa loob
ng sasakyan. Iyon kasi ang kulay na
dapat masunod na isuot ng mga bisita.
Hindi lang naman iyon din ang iniisip
kong dahilan, mas naasiwa akong
humarap sa mga mayayamang tao. Hindi
ko kasi alam kung paano ako
makihalubilo sa kanila.
Kinatok niya ako sa loob ng Lexus
niya dahil nga parang hindi ko kayaning
bumaba doon at pagtitinginan ako ng
mga naroong bisita niya. Siguro dahil
naroon parin ang inferiority complex ko
na aking nakuha noong pinagtatabuyan
akong makipanood ng betamax nang
bata pa ako.
“Bakit hindi ka pa bumababa
diyan bhie?” mahinang bulong niya sa
akin.
“Nahihiya ako. Hinintay na lang
kitang puntahan mo ako dito.”
“Basta, ipapakilala kita bilang
special friend at kung alam kong hindi
makitid ang utak ng makakaharap natin,
sana huwag kang maasiwa kung aaminin
kong lover kita. Pero kay Daddy,
matagal na niyang alam na may
kinalolokohan akong lover pero hindi ka
pa niya nakikita.” Nakangiti siyang
nakatingin sa mga bisita habang sinasabi
niya iyon. Pabulong nga lamang ang
kaniyang pagkakasabi dahil iniwasan din
niyang marinig siya ng iba.
“Alam niyang ganito ako?”
“Naman. Nagulat siya noong una,
hindi ako kinausap ng halos isang Linggo.
Pero nang sinabi kong handa akong
umalis at sumama sa iyo kung hindi niya
ako maiintindihan kaya siya na rin lang
ang sumuko. Lahat ng sinabi niya mula
pagkabata ko ay ginawa ko, ngayon lang
ako susuway at nang 21 years old ako,
iyon ang naging deal namin, huwag na
huwag siyang makikialam sa akin
pagdating sa usaping puso dahil hindi din
ako makikialam at irerespeto ko kung
sinuman ang ipapalit niya kay Mommy.”
Hinawakan ko ang braso niya
bilang pagpapahinto sa aming paglalakad
papunta sa napakagarang bakuran nila
ng puno ng mga nagsisiyahang bisita.
“Ganoon ka-open minded ang
daddy mo?”
“Sabi ko naman sa iyo, walang
hindi natatanggap ng taong may pinag-
aralan at handang tumanggap sa
pagbabagong dala ng pagbibihis ng
lipunan. Nang una, nagalit siya,
pinapadate ako sa kung sinu-sinong
magaganda’t mayayamang babae dito
pero wala akong nagustuhan hanggang
sinabi kong itigil na lang namin ang lahat
dahil nahanap ko na ang gusto ko at
ikaw nga ‘yun. Nang sinabi kong
magtatapos ka na ng medicine at isa ka
sa pinakamatalino sa batch ninyo ay
tumahimik na lamang siya. Ang gusto
lang niya ay makilala ka at msabihang
hindi mo ako sasaktan. Mabait si Daddy.
Sa tingin ko magkakasundo kayo. Tara
na at ipapakilala kita sa mga pinsan ko,
barkada at siyempre kay Daddy.”
Sa tulad kong nahihiya ay
hanggang sa pakikipagkamay lang ako,
pagsagot kung may tinatanong sila at
tagapakinig sa kanilang mga kuwento.
Nakikitawa kung may nakakatawa.
Kumuha at kumain ng paunti-unti. Sip
lang ng alak. Dapat may tamang grace
ang pagngiti at pagtawa. Hay ang mga
mayayaman talaga. Nakapagod maging
plastik. Ngunit nakahanda si Gerald na
alalayan ako at hindi niya ako iniwan.
“Halika ka na. Hayun na si
Daddy. Sabi niya kasi kapag daw makita
natin siyang pupunta doon sa bahaging
iyon ng garden ay sumunod tayo. Gusto
ka niyang makilala at gusto ka din niyang
makausap ng tungkol sa atin. Siguro
naman hindi mo sasabihin sa kaniya na
pinaglalaruan mo lang ako. Ganyan
talaga ang karamihan sa mga Daddies,
inaalam kung ano ang pakay ng lover ng
kanilang anak. Ito kasi ang gusto niya,
ang makilala ka ng husto at makausap
bago muling makipagparty sa lahat.”
“Natatakot ako. Paano kung
hilingin niyang lalayuan kita.”
“Tange! Hindi ko inisip na
magagawa ni Dad yan. Gusto lang niyang
sukatin kung gaano mo ako kamahal at
kung sakali mang hilingin niyang layuan
mo ako, gagawin mo ba?”
“Magkano ba?” humagalpak ako
ng tawa para lang mawala ang tensiyong
nararamdaman ko.
“Ganun? May presyo talaga.”
Nagkukunyarian siyang pikon.
“Bhie naman, alam mo namang
priceless ka sa akin. Kulang ang yaman
ninyo na pambili niya ng kalayaan mo
mula sa akin. Kahit walang-wala ako,
kaya kong ipaglaban ang nararamdaman
ko sa iyo. Ibibigay ko na sa iyo dito ang
regalo kong pinag-ipunan ko talaga.”
“Sweet naman ng baby ko.”
Nilabas ko ang nasa bulsa kong
maliit na kahon at nilabas ko ang
bracelet at isinuot sa kamay niya.
“Happy birthday bhie. Isa lang
itong materyal ngunit hindi nito kayang
tumbasan ang tunay na pagmamahal ko
sa iyo. Sumpa ko, hindi kita iiwan.
Habang-buhay kitang mamahalin.”
Sa sinabi ko ay bigla niya akong
hinila sa tagong lugar at hinalikan ako sa
labi. Sa paghalik niyang iyon ay
naramdaman ko ang mainit niyang luha
na pumatak sa akin pisngi. Umiiyak na
naman siya.
“Bakit ka na naman umiiyak?”
“Wala ‘to. Masayang-masaya lang
ako at sana pakikinggan ng Diyos ang
dasal ko. Sana hindi na magwakas pa
ang pagsasama natin ngunit kung hindi
man magtagal ay masaya akong
naranasan ang nagmahal at minahal ako
ng husto ng taong minahal ko ng walang
kasintindi.”
“Mahal din kita bhie, alam kong
mahirap mapanatili ang ganitong
relasyon ngunit gusto kong manatili ka
sa buhay ko hanggang sa huli kong
hininga.” Hinalikan ko siyang muli at
pagkatapos ay pinunasan ko gamit ang
aking panyo ang luhang bumabagtas sa
kaniyang pisngi.
“We should be enjoying my
birthday. Tara na at baka aalis na si
Daddy do’n”
Hawak niya ang kamay ko habang
pumunta kami sa daddy niya.
Nakatalikod no’n ang daddy niya dahil
nakaharap sa mga nagkakasiyahang
bisita. Dumaan kami sa likuran niya.
“Dad, dito na kami.”
Humarap ang daddy niya at ako
ang hindi makapaniwala sa nakita ko.
Para akong nanigas at hindi ko alam
kung nasa katinuan pa ako. Nanginginig
ang buo kong katawan at hindi ko
magawang ngumiti. Sinikap kong ipinikit
at iminulat ang mga mata ko dahil baka
niloloko lang ako ng aking paningin.
Gusto kong magising kung ang lahat ng
nangyayari ay isang napakahabang
panaginip lang.
“Dad, si Mario Bautista po. Ang
lalaking naging dahilan ng katigasan ng
ulo ko sa inyo.” Sinabayan niya iyon ng
tawa. Tumingin ako kay Gerald. Biglang
parang gusto kong umalis doon at
sabihin sa kanya ang isang
katotohahanang nasa harapan naming
dalawa.
Pilit kong pinakalma ang sarili ko
kahit nanlalamig na ang mga kamay ko.
Huminga ako ng huminga ng malalim
para hindi maramdaman ni Gerald ang
pagkakaasiwa ko sa mga sandaling
kaharap ko na ang ama kong matagal ko
ng hinahanap. Ayaw kong maramdaman
niya ang magkakahalong emosyon na
hindi ko na halos kayang pigilan.
“Good evening po, sir.” Nangingig
kong bati.
“Ngayon makikilala ko na din ang
lalaking naging inspirasyon ng anak ko.”
Tumitig siya sa akin. Iba ang kaniyang
mga titig ngunit hindi nakaligtas ang
kaniyang mapanuring mata sa akin.
Gusto kong maramdaman niya ang bugso
ng kaniyang dugo. Gusto kong sa
pamamagitan ng pagtingin niya sa aking
mga mata ay maramdaman niya ang
koneksiyon ng isang ama sa kaniyang
anak. Nilahad niya ang kamay niya. At
kahit alam kong nanlalamig ang mga
kamay ko ay inabot ko ang kamay niya.
“Nice meeting you po.” Garalgal
na ang boses ko. Sasabog na talaga ang
dibdib ko.
“Nanlalamig ka. Huwag kang
nerbyosin sa akin. Kung mahal mo si
Gerald, mula ngayon dapat mo na ring
ituring ang sarili mong hindi iba sa akin.”
Mabait ang kaniyang ngiti at tingin
ngunit para sa akin, hindi. Para sa akin,
siya parin ang lalaking nanloko kay
nanang. Gusto kong umalis na noon si
Gerald nang masabi ko sa mukha ng
lalaking kaharap ko ang hirap na
pinagdaanan naming mag-ina dahil sa
sinumulan niyang hindi niya tinapos.
“So, pano, as what we agreed
Dad, I have to go muna. Alagaan niya
baby ko dad at huwag ninyong takutin.
Hintayin ko kayo ni Daddy do’n bhie
ha?”
Ngumiti lang ako. Ngiting pilit ko
lang na sinukli sa sinabi niyang baby.
Hindi ko alam pero bigla na lang akong
nandiri.
Nang dadalawa na kami ay hindi
ko na alam kung paano ko simulan ang
lahat. Wala akong masabi na parang
biglang natuyo ang aking lalamunan.
“Gusto ko sanang sabihin sa iyo,
Mario na sana huwag mong sasaktan si
Gerald. Sobrang ipinaglaban ka niya sa
akin. Mahirap sa isang ama na makitang
ang anak niya ay sa kapwa niya lalaki
nagkakagusto. Nang una, katakot-takot
na mura ang inabot niya sa akin ngunit
kahit anong gawin ko ay talagang ayaw
ka niyang isuko at dahil doon ay
pinagbigyan ko na lang siya. Ipinakita
kasi niya ang determinasyong ilaban ang
gusto, ipaglaban ang mahal niya…”
“Na hindi mo nagawa noon kay
nanang ko!” sa wakas ay nagkaroon ako
ng pagkakataong isingit at simulan ang
kuwentong dapat naming pag-usapan.
Para siyang nakakita ng multo.
Tumingin sa akin. Tinitigan niya ako.
para siyang binuhusan ng malamig na
tubig dahil nakita ko ang panginginig ng
kaniyang labi.
“A- anong sinabi m-mo?”
“25 years ago. May naging
katulong kayo na Loida ang pangalan.
Nakipagrelasyon ka sa kaniya at binuntis
mo. Dahil hindi siya marunong bumasa
at sumulat, tinakwil mo siya at nang buo
mong pamilya. Pinagtalikuran mo ang
responsibilidad mo sa amin ni nanang
dahil mahirap siya at mangmang.”
“Ikaw ang anak namin ni Loida?
Ikaw ang anak kong matagal ko ng
hinanap?”
“Hinanap mo ako? Hindi mo alam
kung anong hirap ang pinagdaanan
namin ni nanang. Hindi mo alam kung
gaano kasakit ang loob ko sa ginawa mo
sa amin. Hindi mo din alam kung gaano
kahirap ang mga pagsubok na
pinagdaanan ko habang ikaw ay masaya
sa kayamanan mo. Mayaman ka nga
pero wala kang budhi.”
“Hindi mo alam ang buong
kuwento. Hindi mo alam ang tunay na
nangyari sa amin ng nanang mo. Kung
gusto mo, pag-uusapan natin iyan sa
ibang araw huwag muna ngayon ngunit
sana anak, bigyan mo ako ng
pagkakataong ipaliwanag sa iyo at
ikuwento ang buong nangyari. Tanging
kuwento ni nanang mo ang alam mo.
Kung gusto mong maintindihan ang
buong detalye ay maaring sa ibang araw
natin pag-usapan ito, anak.”
“Anak, tinawag mo akong anak?
Alam mo ba kung gaano ko katagal
gustong marinig ang salitang anak mula
sa isang tatay? Alam mo din ba kung
gaano ko hinangad na sana sa kabataan
ko ay masundo ako at maihatid sa
paaralan na isang ama. Hindi mo alam
kung gaano kahirap ang mabuhay mag-
isa. Hindi mo ba alam kung paano
abutin ang pangarap na kulang ang iyong
buo kong pagkatao. Wala akong tatay sa
25 years at ngayon madali sa iyong
tawagin ako ng anak?”
“Hindi mo din alam kung gaano
kahirap maghanap ng anak na
nawawala. Hindi mo din alam kung
gaano magsisi sa mga nagawa mo sa
nakaraan na kahit gustong balikan ay
hindi na maari pa. Kaya nga hindi ko
tinutulan si Gerald sa buhay pag-ibig niya
ngayon dahil ayaw kong ulitin niya ang
nangyari sa akin noon. Anak bigyan mo
ako ng pagkakataong ipaliwanag sa iyo
lahat.”
“Kung ang pakikinig ko sa mga
paliwanag mo ay maibabalik niya ang
naipagkait sa aking magandang simula ng
pagkabata, sige payag akong pakikinggan
kita. Sabihin mo sa akin, kaya bang ibalik
ng paliwanag mo na iyan ang lahat ng
sakit at hirap na pinagdaanan naming
mag-ina? Alam mo bang nakakulong
ngayon si nanang at kung sana naging
lalaki kang ipaglaban siya at harapin ang
responsibilidad mo sa aming mag-ina
malayo sanang nagyari sa amin ang mga
pagkakamali at dagok na babaunin
namin sa aming alaala habang
nabubuhay.”
“Patawarin mo ako anak. Bakit
nakakulong si Loida? Anong nagawa
niya? Bigyan mo ako ng panahong ayusin
ang pagkakamali ko. Wala na akong
magawa sa kung ano ang nangyari sa
nakaraan ngunit sisiguraduhin kong
magbabago ang lahat at maayos ko din
ang maling simula natin. Bigyan mo ako
ng sapat na panahon at pagkakataon.”
“Tama na. Nakaya kong
bumangon mag-isa at kaya ko ding
magtagumpay na ako lang. Ngayon
narinig mo ang lahat ng hinaing ko.
Sapat na sa aking malaman mo ang
niloloob ko.”
“Patawarin mo ako, anak. Alam
kong masiyado ka lang nadadala ngayon
sa galit mo sa akin ngunit kung handa ka
ng makinig, sasabihin ko sa iyong
maiintindihan mo din ang lahat ng
nangyari”
“Patawarin? Paano kami ngayon
ni Gerald ha? Hindi namin alam na
magkapatid kami, nagkakilala bilang mga
estranghero, nagkamabutihan,
nagkaroon ng relasyon, nagkatikiman at
ngayon ay sobrang nagmamahalan.
Sabihin mo sa akin ngayon kung paano
mababago ng paghingi mo ng tawad ang
kamaliang iyan.” Humahagulgol ako.
sobrang napakasakit ng dibdib ko. Gusto
kong tumakas sa lugar na iyon at sana sa
paglayo ko ay tuluyang mabubura ng
lahat ang maling simula. Gusto kong
takasan ang maling nabuong relasyon
dahil sa hindi naming sapat na nalaman
ang tunay na kuwento ng pagkasino
namin ni Gerald.
Tumalikod ako. Binilisan ko ang
paglakad. Gusto kong tumakas at gusto
kong lahat ng alaala ng gabing iyon at
buong kuwento naming ni Gerald ay
tuluyan ng mabura. Sana kung nailuluha
lang lahat at sa pagpatak nito ay kasama
niya ang mga butil ng alaala. Kung sana
ganoon lang din kabilis mawala ang
pagmamahal ko kay Gerald dahil sa hindi
katangga-tanggap na pagmamahalan.
Dinig ko ang pagtawag niya sa pangalan
ko nang makita niya akong humihikbing
dumaan ngunit hindi ko na pinansin pa.
Kailangan ko ng simulan ang paglimot.
Hindi na tama bang pahabain ang
pagkakamali. Kahit gaano kasakit,
kailangan parin sundin kung ano ang
tama at dapat para sa aming dalawa.
Ngunit akala ko doon matatapos
ang lahat ngunit mas marami pang
nakakagimbal na pangyayari ang inyong
matutunghayan.
- Blogger Comment
- Facebook Comment
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
0 comments:
Post a Comment