EVERYTHING I HAVE 13

CHAPTER 13 ----- EVERYTHING I HAVE ----- By: Joemar Ancheta






 * * * * * * * * * * Umuwi ako sa aming probinsiya. Sa pag-uwi kong iyon ay taglay ko ang maraming mga katanungan. Muli kaming nagkita ni ate Champagne na tuwang- tuwa nang makita ang sobrang pagbabago sa aking hitsura. Lumabas na daw ang tunay kong kaguwapuhan at panis ang ibang naglalabasang mga artista sa akin. Hindi siya makapaniwala na ako na yung dating nagtitinda lang ng gulay sa tapat ng parlor niya na hindi marunong magsukli. Napaiyak siya lalo na nang malaman niyang ilang buwan na lamang ay tuluyan na akong magtatapos sa medicine at magiging ganap na doctor na kapag naipasa ko ang board. Tanging buong pusong pasasalamat ang sinasabi ko sa taong unang nagturo sa akin isulat ang pangalan ko at magsukli. Nang wala si nanang noong graduation ko ay siya ang tumayong magulang ko at nang nakulong na si nanang ay sa kaniya ako tumira at itinuring akong hindi iba sa kaniya. Kahit saan ako dadalhin ng aking mga paa at kahit pa nasa tugatog na ako ng tagumpay, hindi ko makakalimutan ang mga taong naging tuntungan ko para umangat. Napag-isip-isip kong hindi na masamang hayaan ang ama kong bumawi siya sa mga pagkakasala niya kay nanang. Kung mapapatawad ni nanang ang ama ko ay sino ba naman ako para hindi din siya patawarin. Nang bigla na kasing hindi nagpakita ang ama ko at si Gerald ay nakadama ako ng kakaibang kalungkutan. Sobrang naramdaman kong parang lahat sa buhay ko ay dumating na’t kumpleto ngunit nawala lang na parang bula. Masyadong sinara ng galit ang tama kong pag-iisip. Masyado pinakitid ng mga masasakit na karanasan ang aking utak at dahil sa mabilis na pagdagsa ng katotohanan, nakalimutan kong maging bukas sa mga katotohanan at harapin iyon ng buong tapang. Ngunit ang susi ay na kay nanang. Kung anuman ang desisyon niya ay siyang masusunod. Kinabukasan ay nagkausap kami ng abogado ni nanang na ayaw sabihin kung sino ang nagbayad sa serbisyo niya. Kilala siyang abogado sa Pilipinas at alam kong kahit hindi niya aminin ang ama ko ang tumulong. Self defence daw ang kailangan naming palabasin sa korte. Gusto niya akong kausapin bago humarap sa husgado para mapag-aralan ang mga bagay na maglalabas sa katotohanang ipinagtanggol lang ni nanang ang buhay niya at ako. Wala ng ibang saksi sa pagkakataong iyon kundi ako lamang at ang tanging alam ng mga tao sa amin ay hindi ako ampon ni tatang kundi anak niya ako kaya alam nilang sasabihin ko lang kung ano ang aking nakita. Paliwanag ng abogado sa akin ay kailangan naming mapatunayan sa hukuman na self defence lamang lahat at nang marinig niya ang tunay na kuwento ay sinabing si nanang ang tumulak kay tatang dahil sa walang tigil na pambubugbog sa akin at nakita naman ng mga kapit-bahay at ang kapitan naming noon ang duguang mukha ko at ang mga galos ni nanang at ang putok din nitong labi habang si tatang ay tanging ang tusok sa dibdib niya ang tanging sugat. Ibig sabihin ay hindi namin pinagtulungan kundi gusto lang ni nanang na ipagtanggol ako at pagtulak niya ay para lamang matigil ang maaring pagpatay sa akin at hindi niya aakalaing maaring ikamatay iyon ng aming ama. Mahusay ang pagpapaliwanag niya sa kin. Sabi ng abogado... “To prove self-defense, you and your nanang must show with clear and convincing evidence, that first, she is not the unlawful aggressor. Second, there was lack of sufficient provocation on her part; and lastly, she employed reasonable means to prevent or repel the aggression. It is well-settled that once your nanang had admitted that he inflicted the fatal injuries on the deceased, it was incumbent upon her, in order to avoid criminal liability, to prove the justifying circumstance claimed by her with clear, satisfactory and convincing evidence. We cannot rely on the weakness of the prosecution but on the strength of our own evidence. Alam kong malaki ang chance nating mailabas ang nanang mo sa kulungan. Pag-aralan mo lang sabihin ng diretso ang lahat.” Sinamahan ako ni ate Champagne. Biro nga niya na siya daw ang magiging cheerer ko sa korte. Pagkatapos ng court hearing ay nagkaroon kami ng pagkakataong mag- usap ni nanang. Naluluha siya ng sinabi ko ang tungkol sa aking pag-aaral at ilang buwan na lamang ay matatapos na ako. “Salamat anak at hindi mo ako binigo. Pero saan ka kumuha ng pera pambayad sa abogado natin?” Hindi ako nakapagsalita. Noon ko naisip na hindi nagpakilala ang ama ko sa kaniya at tanging abogado lamang ang kumakausap sa kaniya. Kung sasabihin ko ngayon na nagkita kami ng ama ko at ikuwento sa kaniya ang lahat, baka nanaisin na lang niyang makulong muli. Gusto ko na siyang lumaya at makasama siyang muli. Kung darating ang panahong magharap sila ng ama ko, mabuting ayusin na muna nila ang kanilang problema bago ko sila harapin at alam kong ayaw magpakilala ng ama ko sa kaniya dahil gusto niyang mailabas muna sa kulangan si nanang bago sila magharap. Nirespeto ko ang gustong mangyari ng ama ko. “Ang importante nang ay makalaya ka na dito at muli na tayong magkasama. Gusto kong sa graduation ko ay ikaw na ang naroon. Iyon ang tanging pangarap ko, ang masaksihan mong naabot ko na ang pangarap nating mag-ina.” Muli kong nakita ang luha ni nanang. Umiiyak siya sa saya dahil ang mga luhang iyon ay may kasamang ngiti. Masaya ang kaniyang mga mata kahit may kasama iyong mga luha. “Salamat, anak. Hindi mo ako binigo.” Sapat na ang luha ni nanang para lalong mahugasan ang mga kasalanan ng ama ko sa amin. Ang mga ngiting iyon ang nagbukas sa puso ko sa kung anuman ang kuwento sa kanila ni nanang. Bago kami nagkahiwalay muli ay ipinakilala ko si ate Champagne kay nanang. Nilahad ko ang buong kuwento mula nang tinuruan niya akong magsulat hanggang sa siya ang umampon na sa akin nang makulong siya. Lubos din ang pasasalamat ni nanang. At dahil sa kailangan kong bumalik sa Manila dahil sa nalalapit na ding mga exams ko ay kay ate Champagne ko siya ipinagkatiwa. Bago ako lumuwas ng Manila ay iniwan ko ang address at celphone number ko kay Ate Champagne para mapuntahan niya ako o matawagan kung anuman ang magiging hatol kay nanang. Halos dalawang buwan pa ang nagdaan at dalawang buwan na rin lang graduation ko na nang sinabi ng roommate ko na may bisita akong dumating. Nagmadali akong pumasok sa kuwarto at nakita ko nga si nanang at si ate Champagne na naghihintay sa akin. Lumaya na si nanang. Mas naunan pang tumulo ang luha ko kaysa sa magsalita sa mga sandaling iyon dahil hindi na dapat pang tanungin. Hayun na at kaharap ko na si nanang. Nangyari na ang isa sa mga pinaka-asam asam ko. “Anak, laya na ako.” maluha- luhang salubong ni nanang. Sobrang saya ko ay nayakap ko at naipaikot-ikot si nanang. Hindi ko talaga maipaliwanag ang saya ko para sa aming ina. Ngayon ay malaya na siya at nakamit ko na ang isa sa mga pangarap ko na mailabas siya sa kulungan ngunit bigla akong natigilan. Parang ang lahat ay nagiging maayos na ngunit alam kong laging may puwang sa puso ko. Parang may mali. Parang hindi buo ang kasiyahan ko. “Nang, may sasabihin po sana ako kung sino po talaga ang tumulong sa iyo para lumaya.” “Anak, kilala ko na kung sino. Siya ang sumundo sa amin ni Champagne. Kaya ako narito ngayon para bigyan mo ako ng pagkakataong ikuwento ang totoong nangyari sa amin. Gusto kong ikuwento sa iyo ang lahat na hindi ko din alam dati ngunit hindi ko isinara ang puso kong makinig sa paliwanag ng daddy mo sa akin. Iyon ang gusto niyang ipaliwanag sa iyo ngunit hindi mo siya binigyan ng pagkakataong.” “Nang, ano ba kasi talaga ang tunay na kuwento sa inyong dalawa ng ama ko?” “Nagsilbi akong katulong sa kanila noon. Niligawan ako ng Daddy mo at nirespeto niya ako hindi bilang katulong kundi isang babaeng dapat mahalin. Mabait ang lolo mo dahil galing din siya sa hirap hanggang sa naging yumaman at napangasawa niya ang lola mo. Ang dati ng mayaman na lola mo ang malupit at matapobre. Naging patago ang relasyon naming ng Daddy mo noon at tanggap niya ako kahit ano pa ang kapintasan ko. Sabi nga niya, matalino daw ako kung sana ay nakapag-aral. Nang una, natatakot akong mahalin siya, guwapo na, mayaman at matalino pa na noon ay dalawang taon pa magtatapos na din siya sa pag-aaral niya. Isang taon naming itinago ang aming relasyon hanggang hindi namin napigilan ang aming mga sarili at may nangyari. Naulit pa iyon ng naulit hanggang hindi na ako dinatnan ng buwanan kong regla at doon na nagsimula ang lahat ng problema.” “Problema? Dahil mahirap kayo at walang pinag-aralan kaya nang magkabukuhan na ay ayaw harapin ni Daddy ang nangyari sa inyo.” sabat ko sa seryoso niyang paglalahad. “Iyon ang dati kong kinuwento sa iyo anak para wala ng mas mahaba pang kuwento pa. Hindi ko kasi akalain na magkikita kayong mag-ama. Ang totoo niyan ay ipinaglaban niya ako sa mama niya. Tanggap ako ng papa niya pero isinusuka ako ng mama niya. Sobrang pagpapahirap ang ginawa sa akin kapag wala ang daddy mo. Naawa ang daddy mo at inilipat ako sa isang apartment. Nangako siyang babalikan niya ako doon kahit ano ang mangyari. Nag-iwan siya ng panggastos ko. Ang mali niya ay hindi siya nagpaalam sa akin na pumunta siya ng ibang bansa para daw sa kaniyang pag-aaral. Alam niya kasing kapag ipaliwanag niya ay hindi ko kayang intindihin kung ano iyon pero sana man lang alam ko na pumunta siya ng ibang bansa. Naghintay ako ng isang buwan, dalawang buwan at ng pangatlong buwan ay dumating ang mama niyang may dalang mga litrato ng daddy mo kasama ang isang babae. Pinalabas ng lola mo na asawa iyon ng ama mo at hindi na niya ako babalikan pa. Masakit ang loob ko noon kaya kahit pa nangako akong hihintayin ko siya ay tinalikuran ko na lamang ang lahat at ang tanging alam ko ay niloko lang ako ng Daddy mo. Pinaasa at pinahintay niya ako sa wala. Umuwi ako sa bahay at dahil sa galit ng mga magulang ko ay tinakwil nila ako. Noong panahon namin, kung nabuntis ka, isa na iyong napakalaking kahihiyan at mas magiging doble pa kung nabuntis ka at wala kang maiharap na ama ng pinagbubntis mo. Pinalayas ako. Wala na akong ibang matakbuhan noon maliban kay tatang mo. Ipinagtapat ko sa tatang mo na noon ay naunang kasintahan ko kaysa sa daddy mo. Nang una ay gusto niyang ipalaglag ka namin at kapag natanggal ka ay pakakasalan niya ako. Tanggap daw niya ang nangyari sa akin ngunit hindi niya kayang makita niyang buhay ang bunga ng pagtataksil ko sa kaniya. Sinabi kong isisilang kita isa pa, anim na buwan ka na noon sa sinapupunan ko at hindi na ligtas sa akin na ipalalaglag kita kaya wala siyang nagawa kundi tanggapin ka na lang. Umalis kaming dalawa sa aming baryo at nagpakalayo-layo. Napadpad kami sa lugar kung saan ka lumaki at walang nakakikilala sa amin. Ipinagpalit ng tatang mo ang buo niyang pamilya sa akin ngunit sa pagdaan ng panahon ay nagiging mainitin na ang ulo niya hanggang nagiging manginginom na at iresponsable. Galit siya sa iyo. Sa tuwing nakikita ka niya ay bumabalik sa kaniya ang katotohanang nagtaksil ako. Nagalit din ako sa iyo dahil sa tuwing nakikita kita ay parang naiisip ko ang daddy mo na nagpaasa at nanloko sa akin.” Napabuntong hininga ako. “Totoo bang nag-asawa ng iba si Daddy?” “Nalaman ko na lamang sa kaniya ang buong katotohanan nang magkita kami nang lumaya ako at sinundo ako sa atin. Humingi lang siya ng tulong sa mommy niya na bisitahin niya ako para malaman ang kalagayan ko ngunit pinalabas ng mommy niya na nag-asawa na siya ng iba para mapaglayo niya kami at nagkuwento din siyang sumama na ako sa ibang lalaki at kaya hindi na niya ako naabutan pa sa apartment. Umuwi daw ang daddy mo para hanapin ako ngunit wala na nga ako sa apartment. Sinundan niya ako sa aming baryo ngunit nakaalis na kami ng tatang mo doon. Alam kong hindi siya nagsinungaling anak dahil kilala niya ang mga magulang ko at mga kapatid. Kilala niya ang buhay sa aming baryo. Tumagal daw siya doon ng dalawang buwan ngunit dahil hindi na ako bumalik at dahil alam niyang sumama na ako sa tatang mo ay wala na siyang ibang magawa kundi bumalik na lang sa Manila. Wala siyang kasalanan anak. Naging biktima lang tayo ng mga pagkakataon. Biktima ng maling simula. Pupunta siya ngayon dito para hingin ang tawad mo. Anak, alam kong hindi naging maganda ang paglaki mo. Naghirap ka, nasaktan, dumaan ng mga pagsubok. Ngunit nakaraan na iyon anak. Matalino ka at alam kong alam mo ang gusto kong ipakahulugan sa iyo. Pakinggan mo ang puso mo. Napatawad ko na siya anak. Puwede pa tayong magsimulang muli. Sana kalimutan na natin lahat. Niyakap ko si nanang. Humahagulgol ako. Nakaramdam ako ng pagsisisi dahil hindi ko siya binigyan ng pagkakataong magpaliwanag. “Oo nang, handa na akong makinig sa kaniya. Gusto ko ding humingi ng tawad sa nagawa ko sa kaniya sa mga nakaraang buwan.” “Anak, gusto niyang magpaliwanag ng tungkol sa inyo ni Gerald. Gusto niyang ilahad ang buong kuwento sa inyong dalawa dahil alam niyang kapwa na kayo nahihirapan. Alam na ni Gerald ang lahat at ikaw na lamang ang hindi pa nakakaalam. Sana bago magiging huli ang lahat, makinig ka sa ama mo. Alam kong hanggang ngayon nalulungkot ka parin. Palayain mo ang puso mo, matuto kang makinig sa paliwanag ng iba.” Sasagot pa lamang sana ako nang may kumatok sa pintuan. Bukas ang pintuan ngunit nagbigay pugay lang na naroon siya at nakikinig. Lumingon ako at nakita ko si Daddy. Nakangiti sa akin at mabilis ko ding sinuklian iyon ng buo at mapang-unawa kong ngiti. Pinalaya ko ang aking puso, kumilos ang aking paa at tumakbo ako papunta sa kaniya. Niyakap ko siya ng mahigpit na mahigpit. Muling bumulwak ang aking luhang puno ng pag-asa at saya. Hinayaan kong mamutawi ng aking labi ang matagal ko ng gustong itawag sa kaniya… ”Daddy!”
Share on Google Plus

About hppz

    Blogger Comment
    Facebook Comment

0 comments:

Post a Comment