EVERYTHING I HAVE 07

CHAPTER 7 ----- EVERYTHING I HAVE ----- By: Joemar Ancheta





 * * * * * * * * * * Akala ko iyon na ang una at huling pagkakita ko kay Gerald. Inaamin ko, may mga sandaling gusto kong subukang magmahal muli ngunit dapat ay mahalin din ako. Nakakatakot nga lamang dahil dalawang beses ko ng sinubukang ibigay ang hilig ng katawan at puso ngunit naging mapait lang na nakaraan ang aking napala. At hanggang ngayon, dala-dala ko parin ang takot na iyon. Kinabukasan nang papasok palang ako sa aming gate ay may biglang kumalabit sa akin. Biglang may kumuha na naman sa notebook ko na nakaipit lang sa aking kili-kili. Late na ako noon sa klase ko ngunit heto siya’t parang alam lahat ang schedule ko pati ang oras ng aking pasok. “I will only return this kung payag kang samahan ako for dinner.” natatawa niyang paglalayo sa mga notes ko sa tuwing kinukuha ko iyon sa kaniyang kamay. “Late na ako. Give that back please.” Pagsusumamo ko. Malapit na kasing maubos ang pasensiya ko. Pasalamat siya cute siya sa araw na iyon sa paningin ko at kapag tumatawa siya ay lalong nagiging guwapo siya. Napakaboyish niya lalo na noong parang nakikipagbasketball pa ang dating niyang nilayo-layo sa akin ang notebook. “Do you know how to accept deals? I am offering a fine arrangement. Dinner tonight with me, yeah?” “You are such an easy go lucky spoiled brat.” No, I am the wittiest, most gorgeous, well-off and delectable guy in our campus and you are the most boring goodlooking and intelligent chap I’ve ever known.” “You’re wrong, I am the yummiest intellectual yet poor student who has plenty of dreams. Now, give me my notes and go back to where you belong.” “Bakit ba ang hirap mong yayain?” “Kasi mahirap ka ding kausap.” “Ano bang gusto mong pakiusap sa iyo? With matching white roses and chocolate pa ba?” “Kung kaya mo bang gawin bakit hindi.” pagbibiro ko sa kaniya. “Hay boring.” Nagkukunyarian siyang malungkot. “Okey, heto na ang notes mo. Go ahead… I have a class too. See you mamayang 6:30. Alam ko kasing iyon ang oras na lumalabas ka ng gate. Huwag ka ng magtanong kung bakit alam ko. Reserve that question in our dinner.” “Hey, what made you think that I accepted your deal?” “Whatever Gerald likes, Gerald gets it.” Kinindatan niya ako at ngumiti. Halos manghina ang tuhod ko sa nakita kong pagpapacute niya dahil sa totoo lang, tinamaan na ako ng kakaiba sa kaniya. Pero hinay-hinay lang Mario. Friendship lang ang kaniyang gusto. At… ayaw ko ng muling masira pa dahil sa tibok ng puso at tawag ng laman. Tumalikod ako at kahit sa klase ay ngiti niya ang patuloy na tumatakbo sa aking isip. Pagkatapos ng klase ko ay lumabas na ako ng gate. Naglalakad ako nang biglang may humintong magarang Lexus RX sa tapat ko. Bumukas ang pintuan at bumaba ang nakangiting may edad ng driver. “Sir, chocolates po saka white roses.” Pumasok kaagad si Gerald sa isip ko. Ginawa nga niya. Namula ako. Tumingin ako sa paligid dahil parang nahihiya akong tanggapin iyon. Hindi ako sanay na binibigyan ng atensiyon ng kapwa ko lalaki. At ano itong chocolates at white roses na kadramahan. Isang napakalaking kalokohan. “Nasa’n po yung nagbigay niyan kuya?” tanong ko habang kinukuha ko ang iniabot sa akin bago mapansin pa ng ibang mga dumadaan. Binuksan ng driver ang sasakyan at tumambad sa akin ang ngumingiting si Gerald. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Pero mas naisip kong ituloy ang pagkahard to get. Lumapit ako. “Ano ‘to? “Di ba sabi mo gusto mo ng marosas at machokolate na usapan para sa dinner?” “Tinotoo mo?” “Sumakay ka muna dahil naglilikha na tayo ng traffic.” Narinig ko nga ang mga busina kaya bago kami masita ay sumakay agad ako na hindi ko alam kung saan kami pupunta. “Ako ang mamili kung saan tayo.” sabi ko. “Di ba dapat ako ang mamili dahil ako ang nagyaya?” “Alam ko Gerald mayaman ka. Sa totoo lang kung saan mo man ako ngayon dadalhin, siguradong hindi ko maeenjoy dahil hindi ko nakasanayan ang buhay mo. Mahirap kitang abutin pero siguro naman kaya mo akong salubungin sa gitna.” Seryoso kong sinabi sa kaniya. “Okey, tatanungin kita. Ibubulong ko sa iyo ha?” “Ano yun?’ pagtataka ko. “Are you comfortable na nandito ang driver ko? Sagutin mo ako ng pabulong din dahil ayaw ko marinig niya ako.” Naglikha ng kakaibang sensasyon ang init ng kaniyang hininga sa aking tainga. Tumayo ang mga balbon ko sa kamay. “Hindi nga eh. Lalo na parang nakikinig siya sa usapan.” “Manong mauna na kayong uuwi. Idadaan ko kayo sa bahay then kung darating ngayon si Daddy from Hongkong tell him na lumabas ako with my friend. Don’t worry about me.” “Bilin kasi ni Sir na hindi ko kayo iiwan.” “Manong naman, I am 22 years old. Halos pitong taon mo na akong sinasamahan. Halos pitong taon na ninyo akong binabantayan. Hindi pa ba kayo nagsasawa? Kakausapin ko si Daddy pagdating niya. Hindi ko na kaya yung ganito. I want to have my own life! Decide on my own, and go wherever I wanna go…ALONE!” “Papagalitan ako no’n” “Kaya nga ako ang kakausap at ako ang pagagalitan. Matanda na ako. Gusto ko naman ng freedom this time. Idaan mo muna sa bahay tapos aalis kami ni Mario” “May magagawa ba ako?” hirit ng matanda. “Meron naman, sundin mo lang ako…” Nakangiting sagot ni Gerald. Pumasok kami sa Forbes Park. Alam kong doon nakatira ang mga may kaya at mayayamang pulitiko, artista at negosyante ng bansa. Para akong nakasok sa isang napakayamang bansa na wala kang makitang nagdarahop. Doon ko nakita ang nakatagong yaman ng bansa. Lahat ng bahay ay parang mansiyon. At alam ko na kung itabi ako kay Gerald ay isa lang akong langgam na umaakyat sa isang puno ng matibay na nara. Hindi ako nakapagsalita at para akong natatameme sa nakikita ko lalo na ng pumasok kami sa isang sa tingin ko ay unang pagkakataong nakakita ako ng ganoon kagarang bahay. Napakalaki nito, may sariling swimming pool, nakahilera sa parking lot nila ang mga mamahaling sasakyan at nalula ako sa mga mamahaling appliances at display sa loob ng bahay/ Ngunit hindi na kami pumasok pa sa pinakasalas doon lang kami sa beranda ng bahay ngunit nasisilip naman ang loob nito. “I told you, I am the witty, gorgeous, well-off and delectable guy in the campus and masuwerte ka dahil ikaw ang napili kong maging kaibigan. In my entire life, ngayon lang ako nagsama ng bagong kakilala at hindi tiga dito sa Forbes. Ikaw lang iyon, Mr. yummiest intellectual yet poor medical student.” “Talaga lang ha. Pambobola ba yan, pagyayabang o pang iinsulto.” “Whatever, hindi ka naman kasi naniniwala sa mga sinasabi ko di ba?” sabay kindat. Muling para akong biglang nadala sa kakaiba niyang karisma. “Hindi!” “Naku, may back up ako diyan. Yaya Chayong, yaya!” tawag niya at ilang sandali pa ay lumabas ang isang medyo may katandaan ng babae na nang makita ako ay parang nagulat at tinitigan ako ng matagal. “Yaya, sabihin mo nga kay Mario kung nagdadala ako ng bagong mukha at bisita dito sa bahay mula ng ipinanganak ako maliban sa mga kapitbahay natin?” “Kaya nga po ako nagulat na makita siya dito Sir kasi ngayon ko lamang po siya nakita. Hindi talaga nagsasama si Sir dito, ngayon ko lang nakita na may kasama at ngayon ko lang din nakitang nakangiti ng ganyan ang alaga ko.” “Dinagdagan pa talaga.” nakangiti siya. “Yaya, kapag uuwi si Daddy ngayon, tell him baka gagabihin na ako ng uwi. Am sure magagalit iyon pero ngayon lang ito. Gusto ko maenjoy ang buhay ko. Saka if magalit man then bahala na.” Huminto siya na parang may iniisip. “Hintayin mo ako dito kasi may kukunin ako sa loob saka magpapalit na lang ako ng damit. Are you comfortable with that white polo?” “Do I have a choice e, you just abducted me along the street.” “Hmmmnnn, I think may mga magaganda akong damit na hindi ko pa naisusuot that I could give it all to you. Yung mga iba nga may mga tag price pa. Yeah! I’ll just give it all na lang kaysa sa mapagkamalan uli kitang librarian sa campus.” “Yabang neto.” medyo pikon kong sagot. “Honestly, guwapo ka pero you’re out of fashion.” “Oo na. Sige maliitin mo pa ako…” pikon na talaga ako. Kasalanan ko bang halos pangkain ko lang ang pera ko. Kung sana alam lang niya ang pinagdaanan ko. Pag-alis niya ay yaya naman niya ang tinanong ko. “Nasa’n? po ang mommy niya” tanong ko dahil puro daddy lang ang bukambibig niya. “Namatay na ang mommy ni Sir sa sakit na cancer noong 15 palang siya. Kaya nga sobrang hinihigpitan yan ng daddy niya dahil ayaw niyang mawala pati iyan na kaisa-isang anak niya ngunit alam mo, nagugulat ako ngayon sa kaniya kasi parang kahapon ko lang nakita masaya ‘yan. Ang kuwento sa akin ay kahapon lang daw niya nakausap ang matagal na niyang crush sa library. First year palang iyan noon nang kinukuwento sa akin kung saan niya nakita, kung ano ang damit at kung gaano katalino. Third year na siya pero kahapon lang daw niya nakausap dahil natotorpe daw siyang kausapin. Wala pa kasing naging girlfriend ‘yan. Ang hindi ko lang matanong ay kung lalaki ba o babae ang kinukuwento sa akin dahil minsan nadudulas niyang sinabi na sobrang cute daw ng labi at bigote ng crush niya. May babae bang may bigote? Pero nang tinanong ko ay bigla siyang tumawa at sinabi niyang jinojoke lang daw ako. Sana naman hindi bakla si Sir kasi sigurado magagalit ang daddy niya dahil alam kong diyan sila hindi magkakasundo.” Wala akong naihirit pang iba. Parang sabik ang matandang may makakuwentuhan kaya tuluy-tuloy ang pagbibida nito sa mga bagay na hindi naman siya tinatanong. Tatlong taon? Tatlong taon niya akong sinusundan? Fourth year ako at siya naman ay third year. Hindi ko siya napansin samantalang ako ay napapansin niya ng tatlong taon? Ganoon na ba ako katagal nadetached sa mundo? Paglabas ni Gerald ay may dala siyang maleta. “Hayan hinakot ko na lahat ang mga hindi ko pa naisusuot na mga gamit ko, shoes, jeans, shorts, shirts… lahat…kumpleto pati pabango” Nang nasa sasakyan na kami ay tinanong ko siya. “Sigurado ka bang friendship lang ang habol mo sa akin?” “Ano sa tingin mo?” “Tinatanong kita ako ang dapat sagutin mo.” Tinabi niya ang sasakyan. Tumingin sa akin. Tumitig saka napabuntong-hininga. “Alam mo, pinigilan ko ito. Sabi ko no’n hindi tama. Hindi ko gusto. Tama na yung kaibiganin na lang kita. Ngunit kagabi, naisip ko, I have to try it. Sa buong buhay ko ngayon lang ako naging masaya. Yung kasiyahang hindi naibibigay ng money and material things. There is this happiness in me when I am with you na… basta… hindi ko maipaliwanag.” “Natatakot ako. Pa’no mo alam na ganito ako.” “Basta kapag pumasok ako at wala akong magawa, ikaw ang lagi kong tinitignan. Mas interesado ka kasing tumingin sa mga lalaki kaysa sa mga babae. Yung kapag sinusundan kita ay halos mabali ang leeg mo sa mga ibang lalaki. Pinagtaguan kita dahil nahihiya at natatakot akong magsalubong ang ating mga mata. Yung takot na baka hindi ko kakayanin. Kahapon lang ako naglakas loob dahil hirap na hirap na ako. Alam kong mahirap ang tanong ko o alam kong masyadong mabilis na magsabi ako pero tinanong mo na ako at siguro naman, may karapatan na din akong tanungin kita? Gusto mo ba ako? Alam ko kasing masyadong maaga para tanungin kita kung mahal mo ako. Sa akin tama na munang malaman ko kung gusto mo din ako?” Hindi ako nakasagot. Bigla na lang akong nalito? Iniisip ko kung tama bang pasukin ko ito at ang magiging kapalit na naman ay ang pagkabuwag ng mga pangarap ko malapit ko ng makamit. Ayaw ko na sana lalo pa’t naiisip ko si nanang na naghihitay sa aking pagtatagumpay. Isusugal ko bang muli ang aking puso kasabay sa pagtahak ko ng landas patungo sa tagumpay?
Share on Google Plus

About hppz

    Blogger Comment
    Facebook Comment

0 comments:

Post a Comment