EVERYTHING I HAVE 15

C H A P T E R 1 5 ║----- EVERYTHING I HAVE ----- By: Joemar Ancheta




 * * * * * * * * * * Pagkababa namin sa mga ilang gamit namin ni nanang sa sala ng bahay ay hinanap ko kaagad si Gerald. Namimiss ko na siya ng husto. Ngayon ko gustong bumawi sa kaniya. Gusto kong punan ang ginawa kong pagpapahirap sa kaniyang kalooban. Ang ilang buwan niyang pag- iyak. Ang hindi ko pakikinig sa kaniyang mga pakiusap sa akin. Ang kaniyang pagmamakaawang hindi ko tinugon. Sa kabila pala ng paglayo ko sa kaniya ay wala naman siyang ibang ginawa kundi ang ayusin ang pamilya ko. Siya ang dahilan kung bakit ko nahanap at nakilala ang ama ko. Siya din ang gumawa ng paraan para lumaya si nanang sa kulungan. Siya din ang humiling na dapat ay magkakasama na kaming buong pamilya sa iisang bahay. Lahat na ay ginawa niya sa akin. Lahat na ng meron siya ay buong puso niyang ibinigay kapalit man niyon ay ang sobrang pagpapahirap ko sa kaniyang kalooban. “Nasaan si Gerald yaya?” tanong ko nang makita ang yaya niyang pababa sa hagdanan. “Nasa kuwarto po niya Sir. Puntahan niyo na lang. Diretso ho kayo dito at kakaliwa kayo.” Halos liparin ko ang hagdanan at nang buksan ko ang pintuan ng kuwarto niya ay nakita ko siyang tulog habang nakaupo sa may ulunan niya si Joey. Lumapit ako sa kaniya at pinagmasdan siya. Hindi na siya ‘yung dating Gerald na makulit nang makilala ko siya sa library… ang guwapong Gerald na humahablot sa notebook ko… ang makisig na Gerald na tiga hatid-sundo ko, ang mala-Adonis na Gerald na kumakanta habang nagluluto ako at mapagmahal kong baby na siyang minahal ko ng husto. Pumayat siya ng husto. Mapusyaw at kalbo. Tulog siya nang dumating ako at ang pagkakita ko sa ganoong sitwasyon ang tuluyang nagpahina sa akin. Hindi ko naisip na madatnan ko siya sa ganoong kalagayan. Wala sa isip kong may sakit siya at bago ako nakapagsalita ay tumulo na ang aking luha. Hinila ako ni Joey sa labas ng kuwarto. “Ako ang family doctor nila. Ito din ang dahilan kung bakit kami pumupunta ng Houston. Ayaw niyang mag-alala ka sa sakit niya. Gusto niyang manatili siya sa iyo katulad nang nakilala mo siya. Pinipilit niyang makipagkita sa iyo kahit inaatake na siya ng halos hindi niya makayanang sakit. Hindi ko siya mapigil na puntahan ka kahit maysakit siya kaya nga lagi niyang dala ang mga gamot niya kahit saan kayo magpunta. Lahat ay gusto niyang gawin para sa iyo. Hindi niya inisip ang sarili niya. Ang laging sinasabi niya kapag nasa Houston kami ay lahat ng ginagawa niya ay para sa iyo. Gusto niyang gumaling para sa iyo. Ayaw niyang mamatay siya dahil hindi niya kayang iwan ka.” Nangingilid ang luha ni Doctor Joey. “Wala na ba siyang pag-asang gumaling, Dok?” humihikbi kong tanong. “Malapit ka ng maging doctor. Alam kong nagkakainitindihan tayo kung sasabihin ko sa iyong Grade IV na ang tumor niya. Which means the tumor grows very aggressively and it so impossible to treat lalo na ay kumalat na din ang cancer cells sa utak niya nang maipakita namin sa Anderson Cancer Center dahil alam kong iyon ang pinakamahusay na hospital ng cancer sa buong mundo. Sa tuwing umaalis kami noon ay lagi niyang nirereklamo ang sakit ng pagkakalayo ninyo hindi ang sakit na nararamdaman niya. Ngunit kailangan niyang gawin iyon para humaba pa ang buhay niya at magkasama kayo. Puno siya noon ng pag-asa. Lahat ay ginagawa niya gumaling lamang siya ngunit nang iniwan mo siya, tuluyan na rin niyang pinabayaan ang sarili na parang wala nang ganang ituloy pa ang kaniyang laban. Mas nagiging pursigido pa siya sa kaso ng nanang mo kaysa sa pagpapagamot niya dahil ayon sa kaniya, gusto niyang iwanan ka ng isang buong pamilya at masaya na siyang mamatay kung makita niyang nagiging buo na kayo.” “Bakit hindi niyo sinabi sa akin ang lahat ng ito noong nag-usap tayo dok?” di ko mapigilan ang di mapahagulgol. “Hiling niyang hindi mo na dapat pang malaman ang kondisyon niya dahil nga pursigido siyang magpagaling. Tiwala at buo ang pag-asa niyang gagaling siya dahil sa pagmamahal mo. Ayaw niyang mag-isip ka ng iba kundi ang pag-aaral mo lang dahil alam niya kung gaano iyon kahalaga sa iyo. Gusto niyang mapanatili mo ang iyong konsentrasyon sa pag- aaral.” “Dok,hindi ko alam ang gagawin ko kung tuluyan na siyang mawala sa akin.” “Gano’n din siya sa iyo. Ngayon lang ako nagkaroon ng pasyenteng kahit sa gitna ng kaniyang paghihirap ay mas iniisip niya ang para sa mahal niya. Lagi kong naririnig na isinisigaw niya ang pagmamakaawa niya sa Diyos at ganito ang laman ng lagi niyang panalangin… “Diyos ko, ibalato mo na sa akin ang buhay ko para sa baby ko. Kunin mo na lahat lahat ng kahit pa talino ko, lahat ng material na bagay na mayroon ako…ng kahit anong magandang kinabukasan para sa akin huwag lang ang buhay ko dahil hindi ko kayang maihiwalay sa taong mahal ko. Hindi ko siya kayang iwan Diyos ko.” “Bakit hindi nakinig ang Diyos? Bakit hinayaan niyang naghihirap parin siya?” pasigaw ko na iyong nasabi. “May dahilan ang Diyos kung bakit niya ginawa ito sa inyo. Hindi mo man ngayon nakikita dahil nauuna ang galit at pagdadalamahati mo ngunit sa pagdaan ng buwan o taon, malalaman mong may dahilan din ang Diyos sa pagdating ni Gerald at ang tuluyan din niyang paglaho sa buhay mo.” “Anak!” boses ni Daddy sa likod ko. “Dad, bakit ganon? Bakit ito ang kapalit ng pagkabuo natin. Daddy ayaw kong mamatay si Gerald. Hindi ko kakayaning mawala siya sa atin. Bakit siya pa Dad? Bakit hindi niyo ito sinabi sa akin?” “Dati tinanong ko na rin ang Diyos tungkol diyan ngunit sa pagdaan ng araw ay natanggap ko na lalo na nang nakausap ko si Gerald at buong puso na rin niyang tinanggap ang kapalaran niya. Walang may gustong mamatay si Gerald anak. Napakabuti niyang tao. Kayanin natin ang maaring pagkawala niya sa atin kahit gaano pa iyon kasakit. Hindi ko alam kung bakit siya ngunit ayon sa kaniya, siya ang binigyan ng Diyos ng ganoong karamdaman dahil alam ng Diyos na sa ating lahat, siya ang pinakamatatag at siya din ang kailangang maghintay sa taas. Hindi ko sinabi ito sa iyo dahil sa kahilingan niya. Gusto kong gawin mo ang kaisa-isa niyang hiling sa ating lahat. Walang luluha sa harap niya. Walang magpapakita ng awa, walang magpapakita ng kahinaan. Irespeto natin ang kagustuhan niyang iyon. Alam kong hindi mo kaya iyon ngunit nakikiusap akong kayanin mo tulad ng pagsasakripisyo niyang hindi niya hinayaang maapektuhan ka sa kaniyang karamdaman. Anak, hiling niya iyon na alam kong mahirap mong gawin ngunit kailangan nating ibigay sa kaniya. Kung hindi mo pa kaya, pumunta ka muna sa kuwarto mo, isigaw mo doon ang sakit ng loob mo. Iiyak mo doon ang paghihirap ng kalooban mo at pagbalik mo sa kuwarto niya, lahat ng naipon diyang sakit ay kaya mo ng pigilin kung nasa harap mo na siya. Ganyan ang ginagawa ko anak bago ko siya harapin.” Ginawa ko ang hiling ni Daddy. Nagbasag ako sa sobrang pagsisisi ko sa mga nagawa ko sa kaniya. Sinuntok- suntok ko ang dibdib ko. Sumigaw ng ubod ng lakas. Lumuha, humagulgol, umiyak ng umiyak ngunit hindi ko kayang ubusin ang sakit. Naroon iyon na parang bukal na pabalik-balik. Parang dagat na hindi maubusan ng tubig. At noon alam kong hindi ko maipapangakong kaya kong magpakatibay sa harap ng taong nasaktan ko ngunit nanatiling tapat sa kaniyang pangako. Kinahapunan ay kinatok ako ni Dok Joey sa kuwarto ko. Gising na daw si Gerald at kailangan ko ng ihanda ang aking sarili sa muli naming pagkikita. Kailangan ko daw patatagin ang loob ko. Hindi ko alam kung paano ko gawin ang hiling niya. Hindi ako makakapangakong kaya kong labanan ang pagluha. Pagpasok ko ay nakita ko siyang nakasandal sa unan. Taglay nito ang kakaibang ngiti. Walang nakikitang paghihirap sa kaniyang mukha. Maaliwalas ang kaniyang pagkakangiti sa akin at nang mabungaran niya ako ay itinaas niya ang dalawang kamay at isinigaw niya ang katagang… “Hey baby ko!” Mabilis akong lumapit sa kaniya at niyakap ko siya. Pilit kong pinigilan ang pagluha. Niyakap din niya ako. Mahina ang kaniyang pagkakayakap ngunit sinikap niyang higpitan iyon. Tumuloy ang pag- agos ng aking luha ngunit ayaw kong ipakita iyon kaya panakaw kong pinusan iyon sa aking kamay at tinagalan ang pagkayakap ko sa kaniya nang di niya makita ang basa kong mga mata. “Patawarin mo ako. Hindi ko po alam kung papaano ako babawi sa iyo bhie. Sorry…. Sorry…Sorry. “Shhhh! Tahan na bhie. Huwag mo ng itago ang pag-iyak mo dahil alam kong umiiyak ka. Iyakin ka kayang baby ka.” pilit niyang pinasaya ang pag-uusap ngunit kahit kailan hindi ko nakitaan ng pagkatuwa ang nangyayaring ito sa amin. “Sorry na po talaga!” tuluyan ng yumugyog ang balikat ko. “Sa pagmamahal hindi kailangan ang salitang patawarin dahil kung tunay kang magmahal kasama nito ang pagtanggap mo sa kabuuan ng mahal mo hindi lamang ang kaniyang mga kalakasan bagkus mas dapat pang mahalin ang kaniyang mga kahinaan nang malaman mong siya at katulad mo ding nagkakamali.” “Salamat baby. Paano kaya ako babawi sa iyo?” “Sige simulan mo ng bumawi ngayon. Gusto kong ituring mo ako katulad ng dati, iyong baby mong malakas at walang sakit. Gusto kong lagi kang nakatawa o nakangiti. Sige, puntahan natin sina nanang at daddy sa garden sa may pool. Sabayan natin sila sa hapunan. Matagal na akong hindi nakakalabas at ngayong nandito ka na ay gusto kong gawin muli ang dati nating ginagawa.” Napakasaya ng hapunang iyon sa akin. Katabi ko ang mahal ko at kaharap ko ang nagkabalikang mga magulang ko. Wala ni isa sa amin ang bumanggit tungkol sa karamdaman niya. Tanging mga masasayang alaala naming dalawa ang naging paksa at ang mga nakaraan nina nanang at daddy din ang paminsan-minsan ay tinatanong ni Gerald. “Nang, bukas po baka darating na po yung magtuturo sa inyo sa mga basics ng pagbabasa at pagsusulat. Huwag po sana kayo mainsulto pero kailangan po ninyo iyon lalo na kapag gawin kayong Manager ni Daddy sa isa sa mga shops niya. Nabayaran ko na din kaya huwag na kayong tumanggi pa.” nakatawang balita ni Gerald. “Gano’n ba? Salamat anak. Iyan talaga ang gusto kong gawin.” Tumitig ako kay Gerald. Naisip kong bakit lumikha ang Diyos ng katulad niya at kukunin din siya kaagad sa amin. Napakalupit naman ng kapalaran na kung sino pa ang may mabuting kalooban ay sila pa ang maagang kinukuha ng Diyos. Ayaw kong lumuha kaya kinuha ko ang tubig sa harapan ko at inubos ko ang laman niyon. Nagkatabi kami sa pagtulog ni Gerald. Nakayakap ako sa kaniya magdamag at sa tuwing nagigising siya ay haharap siya sa akin at hahalikan ang labi ko sabay sabihing…”Baby naghihilik ka!”… kahit hindi naman. At kung sakaling makatulog ako at matanggal ang braso kong nakayakap sa kaniya ay magmamaktol na parang bata. Titigil lamang siya kung muli kong hihigpitan ang pagyakap sa kaniya. Kinabukasan ay maaga niya akong ginising. Kailangan daw magpalit na ako at huli na ako sa intership ko. Pagkaligo ko ay nasa kusina na siya at hinihintay niya ako para sabayan ng agahan. Kahit medyo mahina na siya ay pilit parin siyang sumasama na ihatid ako sa clinic na pinag- iinternan ko at pagdating ng hapon ay naroon din siya para sunduin ako. Masayang-masaya siya sa tuwing sasakay na ako at yayakapin niya sabay sabing…”Yeyyyyy dito na mahal kong baby!” Pagkaraan ng dalawang linggo ay kinausap ako ni Doctor Joey. “Bumubuti ang kalagayan niya. Parang lalo siyang nagiging malakas sa ngayon hindi katulad ng wala ka sa tabi niya. Kailangan lang nating maghanda dahil magiging palagian na ang pag-atake ng sakit niya. Pero kung titignan mo siya ngayon, parang lalo siyang lumakas at sumigla. Tignan mo nga naman talaga ang nagagawa ng pag-ibig ano?” nakangiting balita niya sa akin. Dalawang linggo pagkatapos naming kumain ng hapunan. Sinabi niyang pupunta na kami sa kuwarto para manood ng paborito naming mga Romantic Comedy movies. “Bhie, pasuyo lumabas ka muna dito sa kuwarto kahit ilang oras lang. please!” Alam kong may mali at inaatake siya ng sakit niya. “Bhie, hindi kita iiwan dito lang ako. Sandali at kukunin ko ang mga gamot mo.” “Ayaw kong makita mo ako sa ganitong sitwasyon kaya parang awa mo na. umalis ka na muna hahhhhhhhhhhhhhhhhhhhh!” alam kong hindi na niya makayanan ang sakit ng kaniyang ulo. Namumula ang buong mukha niya. Hawak niya ang ulo at umiikot-ikot na siya sa kama niya na may kasabay na pagsipa. Umiiyak lang akong nakamasid sa kaniya. Pilit kong pinainom ng gamot niya ngunit sumuka lang siya ng sumuka. Pinakalma ko siya. “Baby, huminga ka ng malalim. Hinga ng malalim at kahit sandali lang ay tumigil ka. Kaya mong pigilan yan baby, Please.” Kinagat niya ang labi niya. Tumingin siya sa akin namumula ang mga mata at may mga luha sa gilid nito. Naawa ako sa kaniya dahil alam kong sobrang sakit na ngunit kailangan niya akong sundin. Tinurok ko ang injection sa kaniya at pagkatapos no’n habang hinihintay naming umepekto ang naiturok sa kaniya ay niyakap ko siya ng mahigpit. Alam kong masakit na masakit ang ulo niya at nagsusuka dala ng kaniyang sakit at hinayaan ko lang na masukahan niya ako basta hindi ko siya iiwan. Hindi ko siya kayang iwang mag-isa. Pagkaraan ng ilang saglit ay humina na ang kaniyang pagkakayakap sa akin at alam kong makakatulog na siya. Muli kong pinagmasdan. Alam kong kahit ano ang gawin ko, kahit pa doctor ako ay tanging Diyos na lamang ang makakatulong sa kalagayan niya. Sana maawa ang Diyos sa amin. Sana bigyan niya kami ng himala. Kahit sa buong buhay namin ay ngayon lang niya kami mabalatuhan ng kaniyang himala. Dalawang linggo pa bago ang aking graduation ay niyaya ko siyang lumabas kami. Dinala ko siya sa restaurant na unang pinangdalhan niya sa akin. Muling bumalik sa alaala niya ang araw na naroon kaming dalawa. Lahat ng aming mga napagdaanan at pagkaraan ng isang oras ay tinawag na ang pangalan ko para alayan ang taong mahal ko ng isang kanta. Muli kong kakantahin ang kantang inalay niya sa akin. May boses din naman ako hindi nga lang katulad ng ganda ng boses niya ngunit alam kong mabibigyan ko ng hustisya ang buong kanta. Pumailanlang ang intro ng “Everything I Have” at habang kinakanta ko ay bumabalik ang lahat sa akin. Hindi ko napigilang hindi maiyak habang kinakanta ko iyon lalo pa’t nakangiti ang mahal kong nakamasid sa akin. Katulad ko, umiiyak din siya. Alam kong iyak iyon ng sobrang kaligayahan dahil sa kabila ng pagsubok, buo parin kaming dalawa. If I could be the perfect man in your eyes I would give all I'm worth to be a part of your life I could promise the world but it's out of my hands I can only give you everything I have Alam kong ako ang pinakamalaking bahagi ng buhay niya. May mga pagkakamali man ako ngunit alam kong dama niyang sobrang mahal na mahal ko din siya. Hindi ko nga lang kayang ibigay at dugtungan ang buhay niya ngunit kung sana puwede lang ibalato sa kaniya ang kalahati ng buhay ko ay ginawa ko na para sabay din kaming magbabalik sa hiram naming buhay. Kung sana puwede kong ibigay ang bawat kalahati ng aking hininga ngunit ang kaya ko lang ibigay ay kung anong meron ako. Siya… lahat lahat ng sa kaniya ay ibinigay niya sa akin. I never dreamed I could ever feel the way I do I hope and pray I will always be enough for you I can only do my best I have to trust you with the rest Dumating siya sa buhay ko at hindi ko inaakalang makakatagpo ako ng taong kakaiba kung magmahal. Ang taong bumuo sa aking pagkatao. Umaasa ako at nananalangin na sana sapat na ako para sabihin niyang naging masaya siya sa mundo. Dinadalangin ko na nawa’y naging kumpleto siya sa pagmamahal ko. Inaasahan kong hihintayin niya ako kung saan man siya tutungo at doon ay muli naming ipagpapatuloy ang naudlot naming pag-iibigan. Habang narito pa siya, gagawin ko ang lahat para mapaligaya siya. Hindi ako perpekto ngunit sisikapin kong maging ganoon sa kaniya at ang mga hindi ko man magawa ay alam kong siya na ang pupuno. Parang hindi ko na kayang ituloy ang kanta. Sobrang mabigat na ang dibdib ko at hindi na ako makahinga. Napaupo ako at yumuko na lamang sa kaiiyak nang biglang may tumuloy sa lyrics ng kanta… I promise I will hold you through the changes and fears when life seems unclear and when I can't be right there with you I know there’s an angel by your side Siya ang nagtuloy sa lyrics na iyon ng kanta. Nakangiti siya habang kinakanta niya ngunit bumabagtas ang luha sa kaniyang pisngi. Alam kong nanghihina siya ngunit pinipilit niyang umakyat ng stage habang kinakanta iyon. at nang matapos ang lyrics na iyon ay hinawakan niya ang kamay ko at pinisil. Sa sandaling iyon, wala kaming pakialam sa mga naroon at nanood. Ang tanging mahalaga ay ang sasabihin ng taong mahal ko at hindi ang iisipin ng iba. Hindi ko alam kung hanggang kailan na lang siya sa piling ko at gusto kong iparamdam ang pagmamahal ko sa kaniya sa alam kong tama lang para sa katulad niya. Hindi ko siya ikakahiya at wala na akong pakialam pa sa sasabihin ng iba. Sa harap ng madaming tao, habang ang lahat ng mata ay nakatutok sa amin ay hinalikan ko siya sa labi. Hiyawan ang mga naroon. Pumapalakpak. Ang ilan ay may mga luha sa kanilang mga mata. Nadala sila sa madamdamin naming pagkanta. At ilan sa mga naroon na kasabay naming umiyak ay mga kakilala niyang nakakaalam sa kalagayan ng taong kayakap ko… ang mahal kong malapit ng bawiin ng langit sa akin. Sa pagdaan ng araw ay lalong nagiging madalas na ang pag-atake ng sakit ni Gerald. Namalagi na si Doktor Joey sa bahay na katulong ko sa pag- aasikaso sa kaniya. Sa tuwing nakikita kong namimilipit siya sa sakit ng ulo at nagsisigaw siya habang mahigpit niya akong niyayakap ay parang ako ang nasasaktan. Sinasabayan ko iyon ng pagdarasal na sana huwag na siyang pahirapan pa ng Diyos dahil sa katulad ni Gerald na kabutihan ang ginawa niya sa buong buhay niya ay hindi niya deserve ang ganoong pagpapahirap. Kung maari lang na ipasa niya ang sakit na nararamdaman niya. Tanging yakap ko at halik sa kaniyang noo ang tangi kong magawa. Noon ko din napag-isip-isip na kahit gaano ka pala kagaling na doctor ay may mga sakit ding hindi mo kayang gamutin at ang lalong napakasakit sa akin ay wala akong magawa sa karamdaman ng taong sobra kong minahal. May mga gabing nahuhuli ko siyang may ka-chat at mga litrato ko ang naka- share. Hindi ko alam kung ginagamit niya ang mga pictures ko sa pakikipagchat ngunit hinayaan ko na lamang siya dahil nakikita ko namang nawiwili siya sa ginagawa niya. Bigla niya akong gigising sa umaga, kukuhanan ng pictures sa ilang mga anggulo. Tatanggalin niya ang damit ko at tuwang tuwa siyang kunan ako na tanging boxer short lang ang suot ko. I- upload niya iyon sa Facebook account niya o kaya ay i-share sa kung sinuman ang ka- chat niya. May mga sandali ding nagtatawagan sila ng ka-chat niya at nagulat na lamang ako ng bigla niyang ipinasa sa akin ang celphone niya. “Bhie, kausapin mo siya, kaibigan ko yan sa Houston. Sa kanila ako namamalagi noong nagpapagamot ako doon. Bryan ang pangalan niya.” Para kay Gerald kakausapin ko naman at makipagkuwentuhan ngunit ginagawa ko lang iyon dahil parang natutuwa siyang nakikinig sa usapan namin ng kaibigan niya. Tuwang-tuwa siya kung nakikita niyang natatawa ako sa jokes ni Bryan. May iba akong nararamdaman sa ginagawa niyang iyon ngunit hinayaan ko na lang gawin niya ang lahat na makapagpapasaya sa kaniya. Dumating ang araw ng graduation ko. Mahinang-mahina na si Gerald ngunit pinilit parin niyang sumama para makita daw niya akong aakyat sa entablado at tanggapin ang diplomang noon ko pa pinangarap na makamit. Lahat nasa kamay ko na. Lahat ng pangarap ko ay nasa akin na, maliban sa taong mahal ko. At siya… siya pa na pinakamalahaga sa lahat ng aking pangarap ang alam kong napipintong mawawala sa akin. Pagkatanggap ko ng diploma ko ay itinaas ko iyon at nakita ko ang pagtayo niya at pagpapalakpak. Nasa mukha niya ang kakaibang saya. Napapaluha siya sa kakatawa. Masayang-masaya ang baby ko sa aking pagtatagumpay. Pababa na ako sa entablado at babalik sa aking upuan ng bigla na lang siyang nakitang natumba sa upuan niya. Nang makalapit ako sa kaniya ay buhat na siya ni Daddy na walang malay. Lahat kami ay natakot. Ako man din ay humahagulgol na, pero alam kong buhay siya at nawalan lang ng malay. Isa iyon sa mga simtomas na malala na nga ang tumor niya, ang pagkawala ng malay. Dinala na namin siya sa hospital ngunit ilang sandali pa ay nagpilit na siyang lumabas para daw sa makaattend siya ng party sa bahay.
Share on Google Plus

About hppz

    Blogger Comment
    Facebook Comment

0 comments:

Post a Comment