EVERYTHING I HAVE ending

HULING KABANATA  ----- EVERYTHING I HAVE ----- By: Joemar Ancheta






  * * * * * * * * * * Nakipag-usap lang siya sandali sa mga bisita at hiniling niya sa akin na ihatid na siya sa kuwarto niya dahil pagod na pagod na siya at gusto na niyang matulog. “Bhie,” hinawakan niya ang kamay ko. Tumitig siya sa akin. Nakangiti. “Lahat ay nakamit mo na. Lahat ay naibigay ko na. Lahat ng meron ako, nasa sa iyo na. Pagod na akong lumaban ngunit masaya akong nasaksihan ko ang lahat ng iyon. Kung anuman ang mangyari sa mga susunod na araw, gusto kong magpakatatag ka. Alam kong nahihirapan ka na ding nakikita ako lalo na kapag inaatake ako ng sakit ko. Mas lalo kasing masakit sa aking nakikita kang hindi alam ang gagawin sa tuwing tinatamaan ako ng karamdaman ko. Mangako ka sa akin na buksan mo lang ang puso mo na wala na ako. May darating sa iyo at alam kong mamahalin ka niya tulad ng pagmamahal ko.” “Hindi ko kaya. Kahit wala ka na, gusto kong ikaw lang ang huli kong mamahalin.” “Bata ka pa bhie, gusto kong ienjoy mo ang buhay mo. Huwag kang matakot magmahal. Oo nga’t masasaktan ka ngunit kasama iyan kung nagmahal ka. Kakambal ng ligaya ang sakit sa pag-ibig. Lahat kailangan sumubok sa pag-ibig. Hindi mo alam kung magiging masaya ka o magiging malungkot, wala ka ding alam kung magtatagumpay ka o mabibigo kung hindi mo subukang magmahal. Subukin mong magmahal bago mo malalaman ang kahihinatnan. Ang mahalaga sa pag-ibig ay ang sumubok kang magmahal at ngumiti, hindi yung sumuko ka na agad na hindi pa sumusubok.” “Ngunit bhie, ikaw lang ang mahal ko, wala ng hihigit pa sa iyo, wala ng makakagawa sa mga nagawa mo sa akin.” “Hindi ko naman sinasabing may papalit sa akin kung saan mo ako ilalagay sa buhay mo. Mananatili ako doon. Ngunit subukan mo lang buksan ang ibang bahagi ng puso mo para sa iba. Maaring may darating na magbibigay sa iyo ng hindi man katulad ng ginawa ko ay ibang nakakatuwang pagtatapos naman ng pag- ibig ang hatid nito sa iyo. Matatahimik ako’t masisiyahan kapag makita ko na sa kabila ng masakit na karanasan at pagtatapos natin ay muli kang magmahal at binuksan mo ang puso mo sa bagong darating.” Gusto ko mang tumanggi sa sinabi niya ngunit hindi ko na siya kinontra pa. Itinaas ko ang kumot niya. Hinagkan sa labi at muli kong pinalaya ang luha ng pagdadalamhati. “Kung may darating hayaan mong magiging handa muna ang puso ko’t isipan bago ko harapin ang bagay na iyan. Ngunit pangako kong bubuksan ko ang puso ko sa iba.” “Huwag kang mangako bhie… sumumpa ka!” pagkasabi niya niyon ay nakita ko ang mabilis na pagpunas niya sa kaniyang luha na umagos sa kaniyang tainga. Alam kong masakit din sa kaniyang palayain ako ngunit alam niyang iyon ang dapat at tama. “Sumpa ko iyan sa iyo bhie. Sumpa ko ‘yan.” Kinabukasan ay hinawakan niya ang kamay ko. Pinikit niya at minulat ang mga mata. Kinabahan na ako sa nakita kong reaksiyon niya. Alam ko ng mangyayari iyon sa kaniya. “Bhie, anong oras na? Bakit mo pinatay ang ilaw sa kuwarto?” Niyakap ko siya. Mahigpit na mahigpit. Hindi ko alam kung paano ko sasabihing pati kurtina sa kuwarto niya ay nakabukas at sumisilip na ang sinag ng araw sa kaniya. Hindi ko na naman napigilan ang lumuha dahil alam kong ilang oras na lamang ay mamaalam na siya sa akin. “Bhie, magsalita ka naman.” “Umaga na baby. Nakabukas ang bintana mo at maliwanag ang araw.” garalgal kong sagot. Sobrang sakit sa aking makita siya sa ganoong kalagayan. Hindi ko kayang pigilin ang umiyak. “Alam ko na. Naiintindihan ko na. baby, huwag mo akong iwan. Gusto kong nahahawakan kita para kahit hindi na kita makita ay alam kong nariyan ka lang sa tabi ko. At kung sakaling hindi na kita marinig, kung sakaling hindi ko na kayo makikilala pa at hindi na din ako makapagsalita, gusto kong yakapin mo lang ako. Gusto kong ihatid ako ng yakap mo hanggang sa huli kong hininga. Mahal na mahal kita. Naging buo ang buhay ko dahil sa iyo at sinumpa mo sa akin, sana gawin mo para sa ikaliligaya mo din. Hihintayin kita bhie. Alam kong muli tayong magkakasama at hihintayin kita doon.” Niyakap ko siya… “Mahal na mahal kita! Salamat sa lahat lahat. Ikaw ang gumawa ng paraan para makamit ko lahat ng pinangarap ko. Ikaw na pinakamahalaga sa akin ang tuluyan pang mawawala ngunit gusto kong malaman mo na ikaw ang pinakamalaking bahagi ng buhay ko. Hinding-hindi kita makakalimutan.” Ilang oras pa ay dumating na lahat ang kinatatakutan ko. Tama ang sabi niya kagabi, pagod na siya sa pakikipaglaban. Gusto na niyang magpahinga at hiniling ko sa Diyos, taimtim akong nanalangin na ibigay na niya ang hiling ng baby kong magpahinga. Hanggang nawala na ng tuluyan ang kaniyang pandinig, hindi na niya maikilos ang kalahating bahagi ng katawan, hindi na din siya makapagsalita at kahit hindi niya ako marinig ay kinakantahan ko siya ng Everything I Have… paulit-ulit, hindi ako nagsasawa kahit pa pinapaos na ako. Lumuluhang nakamasid lang sa amin si Nanang at Tatang. Nakahiga kaming dalawa sa kama niya. Nakaunan siya siya sa isang braso ko. Nakadantay ang isang braso niya sa akin habang yakap ko siya. Paulit-ulit akong kumakanta at alam kong iyon ang gusto niya hanggang naramdaman ko huminga siya ng ubod ng lalim, nanginginig siya na parang giniginaw at tuluyang nanigas. Mas hinigpitan ko ang yakap ko sa kaniya. Itinigil ko ang pagkanta, humagulgol ako at para maibsan ang naipong pagdadalamhati sa dibdib ko ay buong lakas kong isinigaw ang pangalan niya…. “GERAALLLLLLLLLDDDDDDDDD” Sa burol walang patid ang pagdating ng mga gustong makita siya. Hindi ko siya iniwan. Lagi ako sa tabi ng kaniyang kabaong. Hindi ko pansin ang ikot ng lahat. Hindi ko din pansin ang pagdating at pag-alis ng mga nakidalamhati. Masyado akong natamaan sa pangungulila. Akala ko kasi kaya ko na. Akala ko din matatanggap ko ang pagpanaw niya pero hindi pala ganoon kadaling tanggapin ang sakit na iwan ka ng mahal mo dahil kailangan na niyang mauna. Ako din ang huling umalis sa libing. Nagpaalam na sina nanang at tatang. Sinabi kong susunod na lamang ako dahil gusto kong magpaalam kay Gerald ng ako lang at siya ang nasa sementeryo. Nakidalamhati ang langit. Bumuhos ang ulan. Biglang may nagpayong sa akin. Lumingon ako at isang gwapo at matipunong lalaki ang nakita ko. Mas matangkad si Gerald ngunit hindi sila nagkakalayo ng hitsura. Ngumiti siya sa akin. Nakatingin lang ako sa mukha niya. Nagtataka. Madaming gusting itanong. “Ako nga pala si Bryan. Kaibigan ni Gerald. Yung nakausap mo sa celphone from Houston? Ibinilin ka niya sa akin. Sana hayaan mong tulungan kitang bumangon muli.” “Kailan ka pa dumating dito?” “Nang araw na namatay siya, hindi ko na siya naabutan pero sa celphone nakapangako ako sa kaniyang ako ang mag-aalaga’t titingin muna sa iyo. Sana maging bukas ka sa pagdating ng mga pagbabago sa iyong buhay. Hindi ako nagmamadali. Handa akong maghintay. Basta nandito lang ako hanggang handa ka na muling humarap sa bagong yugto ng buhay.” Hindi na ako nagsalita. Naalala ko ang sumpa ko kay Gerald. Pinaghandaan niya lahat. Ibinigay niya ang lahat ng mayroon siya. Inakbayan ako ni Bryan nang tumalikod kami sa puntod ni Gerald. Babalik ako. Hindi siya mawawala sa aking alaala. May natatangi siyang lugar sa puso ko't buong buhay. Walang sinuman ang papalit sa kaniya doon ngunit may nakalaan paring bahagi ng puso ko sa iba. Iyon ang binitiwan kong sumpa sa kanya. Hindi ako magsasawang bisitahin siya sa kaniyang libingan kasama ang kaibigan niya… kasama ng lalaking pinagkatiwalaan niya para sa akin.                      


wakas................
Share on Google Plus

About hppz

    Blogger Comment
    Facebook Comment

0 comments:

Post a Comment