CHAPTER 5
----- EVERYTHING I HAVE -----
By: Joemar Ancheta
* * * * * * * * * *
Naging mabilis ang mga
pangyayari ngunit hindi ko
napaghandaang gapiin ang pagkabigla.
Para akong nalusaw na kandila. Sa
pagkabigla ay hindi ko nagawang
tumakbo o magtago. Nanatili ako doong
nakaluhod at yumuko. Mabilis na
umeskapo si kuya Berto. Naiwan akong
parang walang magawa kundi hintayin
ang paghahatol. Naramdaman ko na
lamang ang isang malakas na suntok na
pinakawalan ni tatang sa aking bibig na
dahilan din para tuluyan akong
matumba. Hindi ako umiyak. Hindi ko
ramdam ang sakit kahit nalalasahan ko
ang dugong galling sa aking mga labi.
Hinablot ni tatang ang sando kong itim
at hinila niya ako pauwi sa bahay.
“Hindi ka talaga magbabago, tang
ina mong bakla ka. Makikita mo ngayon
kung paano ko puputulin ang pagiging
binabae mo tarantado ka!”
Samyo ko ang amoy alak niyang
hininga. Alam kong malakas pa siya at
hindi pa ginugupo ng kalasingan kaya
alam kong alam niya ang kaniyang
ginagawa at sinasabi. Nakainom ngunit
hindi lango.
Hindi ko nagawang sagutin siya.
Ano naman kasi ang sasabihin ko? Paano
ko ipagtatanggol uli ang sarili kong hindi
na nadala sa mga sunud-sunod na
kahihiyang ginawa ko. Kaya noon, walang
kahit anong pagtutol o kahit takot sa
maaring gawin ni tatang sa akin. Dapat
lang akong pahirapan, kailangan kong
lasapin ang bunga ng kabuktutang aking
ginawa. Hindi ko nagawang lumuha. May
mga nakasalubong kaming mga tao
habang hila-hila ako ni tatang ngunit
nanatili akong nakayuko. Wala akong
mukhang iharap sa kanila kahit alam
kong hindi nila alam kung ano ang
sadyang nangyari. Kinahihiya ko noon
ang pagiging alanganin ko, kinahihiya ko
ang mga ginawa ko dahil lamang sa
panandaliang ligayang hatid ng laman.
Anong nangyayari sa akin? Nasaan ang
aking talino? Bakit hindi ko nagawang
gamitin ito para labanan ang mga
tuksong dala ng aking pagiging
alanganin? Bakit pagdating sa tukso ng
lalaki ay nagiging napakahina ko?
Pagkarating namin sa aming kubo
ay malakas akong tinulak ni tatang.
Napasubsob ako sa sulok. Hindi pa man
ako nakakatayo nang bigla niya akong
tinadyakan sa sikmura. Nanlilisik ang
mga mata ni tatang noon. Sinasabayan
ng paulit-ulit niyang pagmumura at
pagkutya sa aking pagkasino.
“Bakla! Binabae! Salot! Malas!
“
Lahat ng masasakit na tawag sa
katulad ko nasabi na niya. Ngunit sa
pagkakataong iyon tanggap ko ang lahat.
Hinayaan ko siyang pahirapan ang aking
katawan na walang pagtanggi o kahit
man lang luha. Iniisip ko noon, kulang
pa, kulang pa ang mga papanakit na iyon
para tuluyang mabura ang mali kong
nakahiligan. Sana sa pananakit ni tatang
na iyon ay tuluyan na ring mabago ang
takbo ng aking isip lalo na ng aking
nararamdaman. Kinamuhian ko noon
ang aking pangkalahatan.
“Magsalita ka ngayon! Ano! Tang-
ina mong bakla ka! Hindi ka
magdadahilan? Akala ko ba matalino ka!”
“Sige lang po tang, saktan niyo
lang ako ng saktan! Kung gusto niyo
akong patayin, gawin niyo lang, hindi ko
kayo sisihin dahil sawang-sawa na din
akong mabuhay!” garalgal kong tinuran
iyon ngunit buo… matatag… sigurado.
Pagkatapos noon ay isa uling
malakas na suntok ang pinakawalan ni
tatang. Nang biglang nakita ko na
lamang si nanang na nasa pagitan na
namin ni tatang.
“Anong ginagawa mo sa anak ko?
Anong karapatan mong saktan siya ng
ganyan!” pasigaw iyon ngunit ramdam
ko kung gaano nasasaktan ang isang
inang makita ang anak na duguan ang
mukha.
“Bakit hindi mo tanungin sa
binabae mong anak kung ano ang
ginagawa nila ni Berto sa silong ng
tulay!”
Nilingon ako ni nanang ngunit
yumuko ako. Tanda ng pag-amin, ng
pagsuko at ng pagsisisi. Pati siya ay
hinihila ko sa kahihiyan.
“At dahil doon sasaktan mo siya
ng ganyan…anong gusto mong
mangyari? Papatayin mo siya? Anong
karapatan mong pahirapan ang anak ko
ng ganyan samantalang hindi ka naman
naging tunay na ama sa kaniya?”
“Nang, tama na po. Kasalanan ko
naman po lahat.” Hinawakan ko si
nanang. Ayaw kong sa kaniya
maibubunton ni tatang ang galit niya sa
akin.
“At kinakampihan mo siya
gano’n?”
“Anak ko siya, kung may
problema ka sa anak ko, sabihin mo sa
akin at ako ang didisiplina. Maliban na
lang kung naging tunay kang ama sa
kaniya. Sana hayaan kitang gawin ang
lahat ng gusto mo.”
“Siya at ng ama niya ang sumira
sa buhay natin. Sa tuwing nakikita ko
ang pagmumukha ng binabaeng iyan ay
hindi ko maalis sa isip ko ang gagong
ama niyan. Hindi ganito ang buhay natin
ngayon kung hindi sa baklang ‘yan kaya
bago ko mapatay, palayasin mo siya.”
“Wala siyang kasalanan sa mga
nangyari. Huwag mo siyang sisihin kung
bakit nagkakaleche ang buhay natin.
Kung may dapat sisihin sa mga nangyari
ay ako at ang sarili mo. Huwag mong
ibunton sa anak ko ang kahirapan ng
buhay natin.”
“Umalis ka diyan, hindi pa kami
tapos magtuos ng binabae mong anak!”
Nakita kong lalong tumindi ang galit ni
tatang. Siguro dahil nakita niyang sa
pagkakamali kong iyon ay may isang
taong dumidipensa sa akin. Pakiramdam
niya ay pinagtutulungan siya.
Kinuha ni tatang ang kawayang
ginagamit namin sa pagbukas ng bintana
sa aming kubo. Nakaramdam ako ng
kakaibang takot sa maaring gawin niya sa
akin. Hindi ako nagpatinag. Wala akong
balak kumaripas ng takbo tulad nang
ginagawa ko noong bata pa ako.
“Umalis ka na anak. Bilisan mo.”
Nakita kong gustong agawin ni
nanang ang hawak ni tatang na pamalo
ngunit mas malakas si tatang sa kanya.
“Umalis ka na muna, anak,
susunod ako.”
Paulit-ulit na sinisigaw ni
nanang na kailangan ko ng umalis. May
kasamang pagsusumamo ang kaniyang
boses kahit alam kong hirap na hirap na
siyang pigilan si tatang. Nakailang
hakbang palang ako para sundin ang
kagustuhan ni nanang nang narinig ko
ang parang malakas na pagbagsak sa
gawa sa kawayan naming sahig. Nakita
ko si nanang na duguan ang bibig na
nakasalampak. Hindi ko na tinuloy ang
paghakbang. Mabilis kong binalikan si
nanang ngunit isang malakas na palo ang
tumama sa aking tagiliran. Ngunit hindi
ko na alintana ang sakit niyon. Kung aalis
ako, hindi ko puwedeng iwan si nanang.
Siya na lamang ang natitira kong
kakampi. Siya na lang ang alam kong
nagmamahal sa akin. Hanggang sa
mabilis si nanang na nahawakan ang
dulo ng kawayan. Hindi niya ito
binibitiwan. Kahit halos maiwasiwas siya
ni tatang. At nang ayaw talagang bitiwan
ni nanang ang pamalo ay kitang kita ko
kung paano sipain ni tatang si nanang at
noon, sa nakita kong lantarang pananakit
niya sa ina ko ay hindi ko na napigilan
ang silakbo ng galit na matagal ko ng
kinimkim. Tanggap kong saktan niya ako
ng saktan ngunit hindi ang taong
nagbigay ng buhay sa akin, hindi ang ina
kong siyang natitirang nagmamahal sa
akin.
Nang lumapit si tatang kay
nanang para muli itong saktan ay mabilis
kong dinepensa ang katawan ko para
hindi na niya muling masaktan pa ang
ina ko. Ang suntok na sana dadapo sa
mukha ni nanang ay sa dibdib ko
tumama. Nang itinaas niya ang pamalo
ay mabilis kong hinawakan ang kaniyang
mga kamay at pinilit ko iyong maagaw sa
kanya. Natumba kaming dalawa. Naagaw
ko ang pamalo sa kanya at itinapon sa
malayo.
“Lumalaban ka na tang-ina mo
ha! Lumalaban ka na!”
“Hindi po ngunit utang na loob
huwag si nanang. Ako na lang!”
“Sige tignan natin kung hanggang
saan ang kaya mo ngayon!”
Mabilis niyang hinablot ang itak
na nakaipit lamang malapit sa aming
hagdanang kawayan. Nang una di ako
nakaramdam ng takot dahil siguro
naniniwala akong hindi kaya ni tatang na
pumatay ng tao. Kahit kabado ako ay
naniniwala akong tinatakot lang niya
kami ni nanang. Nakita ko sa mukha ni
nanang ang takot. Bigla siyang tumayo
sa gitna namin at pilit niya akong tinago
sa kanyang likod.
“Umalis ka diyan kung ayaw
mong pati ikaw ay tatamaan sa akin.”
Pasigaw iyon. Walang mababanaag na
kahinaan. Hindi lang siya nananakot. Oo
nga’t may pagbabala ngunit ramdam
kong kaya niya akong saktan at tagain.
Ngunit ayaw umalis ni nanang sa
harapan ko.
“Nang alis na tayo dito.” Paanas
kong sinabi kay nanang. Hinila ko si
nanang at umatras kami. Pababa sa
hagdan. At nang malapit na kami sa
pintuan ay saka ko naramdaman ang
malakas na sipa na siyang tuluyang
dahilan ng pagkakabitaw ko kay nanang.
“Umalis kang mag-isa mo bakla
ka! Huwag na huwag kang papakita sa
amin kahit kailan!”
Kitang-kita ko kung paano
niyapos ni tatang si nanang sa leeg nito.
“Sasama ako sa anak ko. Hinding-
hindi ko siya hahayaang aalis na hindi
niya ako kasama.” Nakita ko ang pagtulo
ng luha ni nanang. Alam kong sa
sandaling iyon ay hirap na hirap na siya
sa mga pasakit na kaniyang
pinagdadaanan. Gustong gusto ko siyang
ilayo sa mga pasakit na iyon ngunit
paano?
“Hindi ka aalis!”
“Aalis ako! Kasama ng anak ko!”
Lalong dumiin ang pagkakayapos
ni tatang sa leeg ni nanang at nakita
kong halos bigtiin na niya ito. Siniko ni
nanang si tatang. Namumula na ito dahil
sa hindi makahinga ngunit lalong diniinan
ni tatang ang pagbigti sa kanya.
Hindi na ako nag-aksaya ng
panahon pa. Lumapit ako at pilit kong
tinanggal ang bisig ni tatang na
nakapulupot sa leeg ni nanang ngunit
isang malakas na sipa ang kaniyang
pinakawalan. Bumangon ako. Kinagat ko
ang bisig ni tatang at kahit ano pang
gagawin niya sa akin ay hindi ko
tinanggal ang pagkagat ko doon. Sa
tuwing sinisipa ako o kaya ay
dinadagukan ay lalo kong dinidiin ang
ngipin ko sa kanyang mga braso.
Lumuwag ang pagkakapulupot niya sa
leeg ni nanang at ilang sandali pa ay
tuluyan ng nakawala at hinila ko palayo
kay tatang. Nakita kong tinaas ni tatang
ang kamay na may hawak na itak.
Umatras ako at nawalan ako ng
panimbang. Napaupo ako. Dumausdos
ako paatras. Kailangan kong lumayo
dahil nakikita ko sa mga nanlilisik na
mga mata ni tatang na kaya niya akong
patayin Nang itaga na niya sa akin ang
itak ay mabilis na pinalo ni nanang ang
balikat niya. Ngunit tumama parin ang
itak sa bisig ko. Dumaloy ang dugo.
Hindi tumigil si nanang sa
kapapalo kay tatang sa katawan nito at
nang harapin ni tatang si nanang at
naagaw nito ang pamalo mula sa kanya
ay alam kong si nanang ang sasaktan
niya. Mapatay na muna niya ako bago
niya masaktan si nanang. Wala akong
pakialam sa dumudugo ko ng bisig. Mali
na kung maling patulan ang tinuturing
kong ama mula nang ako’y nagkamalay
ngunit hindi siya naging tunay na ama sa
akin. Naipon sa dibdib ko ang masidhing
galit. Inin-in ng isip ko ang matinding
pagkamuhi sa kaniya at ngayon ay pisikal
na kaming sinasaktan ng ina ko ay wala
ng naiwan pang katiting na respeto.
Tuluyang nilamon ng matinding emosyon
ko ang mga pinag-aralan ko. Wala na din
ako noon sa katinuan. Hindi ako
makapapayag na wala akong magagawa
para ipagtanggol ang ina ko sa kahit
anumang kapahamakan kaya bago niya
mapalo o kaya mataga si nanang ay
pinakawalan ko ang isang malakas na
sipa. Dahil sa lakas niyon ay napaupo
siya. Nabitiwan niya ang itak at alam
kong kung hahayaan kong muli niya
itong makuha ay hindi na kami
pakakawalan ng nanang kong buhay.
Mabilis si nanang na pulutin ang itak
ngunit nakuha ni tatang ang pamalo.
“Wala kang utang na loob!
Papatayin kita, tang ina mo!”
Bago siya makabangon ng tuluyan
at maipalo sa akin ang kawayang hawak
ay isang malakas na sipa uli ang
pinakawalan ko.
Bumulwak ang dugo sa dibdib ni
tatang. Nabitiwan ni nanang ang hawak
niyang itak at nagulat din ako sa aking
nasaksihan. Parang bigla akong bumalik
sa aking katinuan. Nanginig ang buo
kong katawan at parang dumilim ang
aking pangingin. Ilang sandali pa’y basa
na ng dugo ang damit at shorts ni
tatang. Tumama ang likod niya sa
nakausling bareta at tumagos hanggang
sa kaniyang dibdib. Tinaas ni tatang ang
kamay niya habang nakatingin kay
nanang. Humihingi kay nanang ng tulong
ngunit nanatiling nakatayo si nanang at
di parin bumabalik sa katinuan dahil sa
pagkagulat. Napaluhod ako. Hindi ko
alam ang aking gagawin. Sising-sisi ako
sa aking nagawa.
- Blogger Comment
- Facebook Comment
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
0 comments:
Post a Comment